MGA MISTERYO SA TUWA©

 

Unang Misteryo – Ang unang misteryo sa tuwa ng ating Panginoong Jesucristo ay ang pagbati ng Arkanghel San Gabriel kay Ginang Santa Maria.

Ipinahayag ni Arkanghel San Gabriel kay Santa Maria na siya ay magdadalang-tao o maglilihi, at ang kanyang ipaglilihi ay ang magiging anak niyang si Jesus na sa sangkatauhan ay sasakop sa ikapapawi ng mga pagkakasala.

 

Lahat:  Magalak ka, Puso, sapagkat darating na ang Anak ng Diyos na ating mga sala ay tutubos.  Magalak ka, Puso, dahil ikaw ay mahahango sa isang tunay na kahirapan sa apoy ng impiyerno.  Puso, halika at sumama ka sa akin sa pagsalubong at pagsasaya sa pagdating ng Anak ng Diyos.

            Datapwat makasalanan ako.  Mahina ang aking puso.  Tumanggi ang aking sarili.  Tamad ako.  Hindi ako sumalubong.  Hindi ako nakigalak.  Nagtulug-tulugan ako at hindi ko pinansin ang Kanyang pagtawag.  Hindi ko inalintana ang Kanyang panggising.  Ang Kanyang malakas na uha na siyang tumatawag sa akin ay hindi ko pinansin.  Pinalagpas ko.  Hinayaan kong mapawi ang alingawngaw ng Kanyang tinig.  Nagtulug-tulugan ako sapagkat ang aking puso’y batbat sa pagkakasala.  Hindi ko alam na ito ang daan patungo sa apoy ng impiyerno.

           

Ikalawang Misteryo – Ang ikalawang misteryo sa tuwa ay ang pagdalaw ni Birhen Maria sa kanyang pinsan na si Santa Isabel.

Dumalaw si Maria sa kanyang pinsang si Santa Isabel.  Tunay nga kaya na si Santa Isabel ang kanyang dinalaw?  Tunay nga kayang siya ang sadya ni Maria sa lugaring yaon?  Hindi kaya upang gisingin niya ang mga taong nahihimbing sa mga pagkakasala?

O ako yaong kanyang dinalaw upang ipahayag sa akin na ang kanyang magiging anak na si Jesus ay malapit nang isilang at malapit nang bumukal ang Kanyang awa.  Malapit nang lumiwanag ang Kanyang ilawan na sa mga sandaling yaon ay nasa kanyang sinapupunan.

Datapwat nagpiring ako ng mata o nagtakip ako ng paningin.  Ipinikit ko ito.  Hindi ko Siya tiningnan at binuo ko sa aking sarili na itong taong kanyang pinsan na ina ni Juan at ito’y pinagwalang-bahala ko.  Hindi ko isinaisip kahit isang saglit na hindi si Isabel ang kanyang dinalaw kundi ako.

Datapwat ako ay nakukublihan.  Balot ako ng pagkakasala.  Hindi ko nakita ang ningning ng kanyang mga mata na nagsasabing lumapit ako at panahon na upang magpakahango sa pagkakasala.

 

Lahat:  Panginoon, Panginoon, mangyaring pagaanin Mo ang aking mga paa.  Mangyaring alisin Mo ang piring sa aking mga mata upang Ikaw ay aking makita at malapitan sa matagal kong pagkahimbing, sa matagal kong paglimot.  Mangyaring ako’y Iyong gisingin, paalalahanan upang ang aking puso ay maging tunay na sa Iyo maglilingkod.

            Panginoon, sala akong lubos.  Sala ako na Iyong anak.  Datapwat handa na ang aking sarili upang sa mga pagkakataong ito ay lubhang itindig ang aking sarili buhat sa pagkakagupiling sa kasalanang hindi na lubhang madalumat ng aking puso at ng aking kaluluwa.  Siya Nawa.

           

Ikatlong Misteryo – Ang ikatlong misteryo sa tuwa ay ang panganganak ni Santa Maria kay Jesus sa portal ng Belen.

            Ipinanganak si Jesus sa portal ng Belen o sa loob ng isang koral at ang naging himlayan ni Jesus ay isang sabsaban o kainan ng mga hayop na doon Siya inalagaan ng mga panahong yaon.

            Lubhang kasakit-sakit ang Kanyang inabot, at sinasabi ko na hindi ito para kay Jesus.  Ipinakikita Niya ito sa akin upang ako ang magtiis at hindi Siya.

            Ngunit nagpakataas ako, nagpakataas ako na di ko man lang nilingon sa pagkakahimlay sa sabsaban.  Pinatawag ako ng mapag-anyaya Niyang tala na di alam ng aking puso na Siya kong kaligtasan.  Bagamat naririnig ko ito ay nalimot ko sapagkat ako’y balot ng pagkakasala.  Tinatawag ako ng aking sarili datapwat hindi ko pinansin.  Tinatawag ako ng aking puso datapwat isinaisangtabi ko ang tinig na naririnig ko sa aking damdamin.  Hindi ko hinayaang makalagpas ang tinig ding ito sa aking mga pandinig upang ako ay maakit na pumaroon at dumalaw sa Kanya at ihingi ng buong kapatawaran ang aking mga sala.

            Bagkus nagpakataas ako.  Tumungo ako doon sa pinakamataas na lugar ng mga kasayahan.  Nilimot ko na ang aking pagkatao ay lubhang maliit na tunay.  Kumuha ako ng maraming tuntungan.  Tumuntong ako sa aking salapi.  Tumuntong ako sa aking mga kaibigan upang umalingawngaw sa aking pandinig ang mga kasayahan, ang iba’t ibang uri ng mga tugtugin, at nilimot ko Si Jesus sa aking gunita, ang alingawngaw ng tinig Niya na aking naririnig na nag-aanyaya na ako’y magbalik sa Kanya.

 

Lahat:  Panginoon, Panginoon, lubhang sala ako sapagkat ako ay mahina, datapwat ngayong akin nang natatap ang aking lubos na kamalian, ipinagsusumamo ko sa Iyo na buksan Mong lubusan ang aking mga mata.  Buksan Mo nang lubusan ang aking paningin.  Pakatatagin Mong lubha ang aking mga paa.  Ang aking puso ay pakatibayin Mo.  Pakalakasin Mo ang aming mga kalooban upang ako ay ganap nang makalimot sa mga pagkakasala.

            Panginoon, naririto ako sa Iyo at kusang naninikluhod na ipagkaloob Mo nang lubusan ang mga bagay na lubhang makayayakap at aming magiging kaligtasan sa aking kaluluwa.  Siya Nawa.

 

Ikaapat na Misteryo – Ang ikaapat na misteryo sa tuwa ay ang paghahain kay Jesus sa templo ng Jerusalem.

Inihain ang Kanyang murang-murang katawan.  Ipinaalam sa lahat ng may pusong mangyaring nakauunawa, na naririto at nakahain ang korderong sasakop sa sala ng sangkatauhan.

Datapwat hindi ako nakinig.  Hindi ako kumain ng Kanyang katawan.  Pinabayaan ko ito sapagkat sinabi ko sa aking sarili, kung ako ay kakain ng katawang ito, mawawalaan ako ng panahon; mawawalaan ako ng lugar sa mga kasayahang hindi pa pinanghihinawaan ng aking sarili.

Hindi ko pinansin ang hain.  Tinalikuran ko ang haing para sa aking kaluluwa.  Hindi ko pinansin ang bagay na makabubusog ng aking kaluluwa at makapagliligtas sa akin sa apoy ng impiyerno.

Hinayaan ko ito.  Pinagwalang-bahala ko ang nakahaing ito.  Ni hindi rin ako uminom.  Ni hindi ko ipinukol ang aking paningin sa nakahaing ito at doon nga ay tumulo ang Kanyang mahal na dugo.

Dapat sanang nagpakalapit-lapit ako upang kahit isang tilamsik, matilamsikan ako upang luminis ang buo kong kaluluwa at ang buo kong pagkatao, upang lubos akong maging matapang, upang makaiwas ako sa mga pagkakasala at hibo ng mundo, hibo ng mga demonyo upang ako ay mapasakanila.

Mahina ako sapagkat tinalikdan ko ang tilamsik ng dugong ito.  Ipinakita ni Jesus o ipinakita ng Panginoon ang sariwang dugo sa Kanyang kamusmusan sa paghahain sa Kanya sa templo ng Jerusalem. 

Dito ay aking natatalastas na ang lubos kong pagkakamali.  Dito ay natatalastas ko ang kabigatan ng ginawa kong paglimot, ang kakulangan sa aking buhay ng kalinisan ng aking kaluluwa at katatagan ng buo kong pagkatao.

 

Lahat:  Panginoon, Panginoon, ngayo’y natatalastas ko ang buo kong pagkakasala na inihahandog ko sa Iyo, at buong-pusong pinagtatagubilin ang aking sarili na pakalinisin Mo ako at huwag Mong pabayaan na muli pang marungisan ang aking kaluluwa na ninasa ng aking kaliitan na maging malinis at maging lubos na karapat-dapat sa Iyo ngayon at magpakailanman.  Siya Nawa.

 

Ikalimang Misteryo – Ang ikalimang misteryo sa tuwa ay ang pagkawala at pagkakita kay Jesus sa templo ng Jerusalem.

            Nawala si Jesus sa templo ng Jerusalem sapagkat nawala Siya sa aking piling.  Nawala Siya sa aking puso at nawala Siya sa aking gunam-gunam.  Hindi ko Siya nagunita.  Hindi ko Siya hinanap sapagkat panahong yaon ay hindi ko pa Siya kailangan sa aking pagkakatalastas.

            Bagamat kailangan Siya ng aking kaluluwa, binigyan ko ng ____ alang-alang ng aking pagkakatawang-lupa sapagkat ang aking katawang-lupa ay naghahanap o naghahangad ng aliw na makalupa.  Ang aking laman ay nanabik na makadama ng kapwa-laman.  Ang aking puso ay umaayaw sa mga handog na hain ng Panginoong Diyos.

            Iniwasan ko Siyang lubha kahit Siya ay nawala sa templo ng aking kaluluwa.  Nawala Siya sa kaibuturan ng aking puso.  Nawala ang naghahari at dapat maghari sa aking puso.  Datapwat ngayon ay nakikita ko na na Siya ang aking kailangan.  Hinanap ko Siya.  Natagpuan Siya ng aking puso sa aking banal at walang hanggang pagdidili-dili ng Kanyang misteryo sa pamamagitan ng aking pagninilay-nilay na ito sa misteryo ng tuwa.

            Nakita Siya, nadama ng aking sarili at Siya ang ibig ko ngayon na maging panauhin at di panauhin lamang ng aking puso, kundi ibig ko Siya ang maghari sa aking buong pagkatao, sa aking kaluluwa at ibig kong Siya lamang ang makalukluk dito sa aking puso na Kanyang iningatan bagamat ako’y nagkamali.  Niwala ko Siya sa aking sarili datapwat kusa Siyang nagpakita upang ang aking puso ay Kanyang umugin sa isang tunay na pagbabalik-loob.

 

Lahat:  Panginoon, pakatibayin Mo ako at huwag Mo nang pabayaan na muli Kang makapaglaho sa akin.  Tawagin Mo ako.  Akayin Mo ako.  Ikulong Mo ako sa Iyong bisig na lubhang napahirapan sa aking mga pagkakasala.  Bakuran Mo ako ng Iyong paglingap at habag.  Maawa Ka sa akin.  Huwag Mo akong pabayaan.

            Panginoon, batid kong hindi ako karapat-dapat, datapwat sa pamamagitan Mo, ako ay magiging karapat-dapat sa Iyo dito sa lupa hanggang doon sa kaluwalhatian ng Iyong mga langit.  Siya Nawa.

 

File:  tuwa.htm – Last updated:  2004 December 5

 

HomeRevelationsProphecies888 – Number of JesusCrucifixionTeachings in Pilipino

Aristean CalendarAristean Decimal TimeAristean CycleWorld PeacePostingsSite Map

 

© Aristeo Canlas Fernando 2004

All rights reserved.