TRANSCRIPT 056
ANG BINHI©
Transcribed by
ARISTEO CANLAS FERNANDO
Peace Crusader and Echo of the Holy Spirit
Ama: Sapagkat, talagang gustong-gusto Kong maitanim ito sa inyong puso. Ito ang punla. Ito ang lalaki (will grow). Ito ang magbubunga. Anupat kayo ang Aking mga punungkahoy na gusto Kong mangyaring ganap. At kayo rin ang maglalanganap ng bunga na gusto Kong maging ganap upang kayo ay mangapakinabangan. Ito ang Aking mga binhi na gusto Ko na sa inyo ay ihasik. At ibig Kong ang binhing ito ay mangagsitubo, mangagsilaki at mangagsipamunga ng sagana na pakikinabangan ng inyong kapwa.
Buhat ngayon ay magiging magaganda at maging malusog na punungkahoy kayo na ang ibinubunga ay hindi lamang maganda kung hindi lubhang masarap pa. Ibig Kong kayo ay manatiling hindi bulaklak lamang sapagkat kung ang bulaklak na ito ay hindi magtutuloy sa pagiging bunga ay ito ang tinatawag nating ‘unsiyami’. At ang ibig sabihin ng unsiyami ay yaong bulaklak pa lamang ay sinira na ng uod kaya hindi na nakalaki at hindi na nahinog. At ito ay hindi Ko ninanais na maganap sa inyong mga buhay. Ang ibig Ko’y ito ang binhi. Ito ang tumubo, maging malaking kahoy, magkasanga, magkadahon, at maging bulaklak at maging tuluyang bungang kapaki-pakinabang sa harap ng inyong Diyos at sa inyong kapwa-tao.
|
|||||
Copyright © 2011 Aristeo Canlas Fernando |