LANGIS NG KALIWANAGAN©

Sinalin ni Aristeo Canlas Fernando
Peace Crusader and Echo of the Holy Spirit

Ama:  Punuin ninyo ang inyong sarili ng langis ng kaliwanagan upang kayo ay hindi maligaw sa pagtunton sa hagdan ng buhay.  Upang kayo ay hindi mahulog sa bangin ng walang pag-asa.

                        Ang pagsasalita Ko ay sinasadya Kong dalangan dahil gusto Kong matimo ang lahat ng Aking sinasabi sa inyong kalooban.  Gawin nating maliwanag ang sasandaling kaliwanagan.  Gawin nating maaliwalas ang sasandali nating kaaliwalasan.  Sapagkat malapit nang maghari ang dilim.  Malapit na kayong pagharian ng karimlan.  At kung magkakagayon, paanong matutunton ng bawat isa sa inyo ang matuwid na landas?

                        Ngayon, ang landas natin, bagaman alam ng ating sariling matuwid, kusa nating iniiwasan.  Kusa tayong nagliligaw-ligawan.  Dahil sa malabis nating pagmamahal sa ating sarili.  Ayaw natin nang pinipintasan.  Ayaw natin ang nagiging mababa.  Ayaw nating magpakababa.  Ayaw nating yumuko sa pag-aakala nating tayo ay tigib ng rangya.  Sa pag-aakala nating tayo ay malinis.  Sa pag-aakala nating tayo ay hindi mapapantayan o masusukat ninuman.

                        Tunay na tunay na sinasabi Ko sa inyo, ang bawat isang tao, lupa lamang ang kapantay.  Walang makauungos ni sunuman, walang makauungos sa lupa bagkus tayo ay bababa kaysa lupa.  Datapwat hindi tayo mangyayaring makaungos kaysa lupa.  Hindi tayo makahihigit pa sa lupa.

                        Sino ba sa inyo ang makahihigit pa sa lupa?  Sino ba ang nakita nating humukay ng pataas?  Mayroon ba tayong nakita niyan?  Humukay tayo doon sa araw at doon natin ilibing ang pinakamahal natin sa buhay.  Umubra kaya?

Anita Perez:  Sa isip lang puwede.

Ama:  Kahit sa isip, Anita, hindi pupuwede eh.  Hindi puwede.  Sige, isipin mong humukay sa araw at ang isip mo ay kusang tatanggi.  Hindi ba tumatanggi ang isip mo, Anita?  Ikaw, Benigno, isipin mong humukay sa araw?  Hindi ba tumatanggi ang isip mo?

Benigno Santos:  Naku po.  Tatanggi po, Ama.

Ama:  Heto, tumatanggi na si Benigno.  Antimano, ‘Naku po,’ ‘ika.  Katulad din ng sinabi Ko kay Roman, ‘Roman, tumayo ka.  Kilikin mo ang sarili mo.’  Iyan, katulad noon.

                        Ngayon, dahil tayong lahat ay sa lupa ibabaon, paano tayong makauungos kaysa lupa?  Nitso?  Mataas nga iyon pero ano ba ang nitso?  Lupa pa rin.  Kaya huwag mong ikatwirang-isip na matayog.  ‘Nitso po nakaungos sa lupa.’  No.  No.  Bata ka pa.  Hindi mo pa kayang isagot iyon kaya nga hindi mo nailakas eh.

                        Ang nitso ay yari pa rin sa lupa.  Ang simyento ay kinuha sa lupa.  Ganoon din ang bato at buhangin.  Sa lupa pa rin iyon nanggaling.          

 

Transcription ito na galing sa tape 1986-11-23, side A, xxxx, xx:xx-xx:xx

 

File Name:
Website Address:

C:\...\website\...\pahayag128.htm

http://aristean.org/pahayag128.htm

First uploaded:
Last updated:

2014-02-11
2014-02-11


Revision: 0

Copyright © Aristeo Canlas Fernando 2014. All rights reserved.