PAHAYAG NG ESPIRITU SANTO - 075

SI SAN JUAN BAUTISTA AY NABUHAY NA MAGMULI©

Sinalin ni Aristeo Canlas Fernando
Peace Crusader and Echo of the Holy Spirit

Benigno Santos:  Ama, makapagtanong na nga po.

Ama:  O.

Benigno:  Kanina po, nasabi Ninyo na si San Juan, pinsang buo Ninyo—

Ama:  Hindi.  Pinsang makalawa.                                          

Benigno:  Ah, pinsang makalawa.

Ama:  Pinsang buo ni Sta. Maria ang kanyang ina, si Isabel.  Ngayon, si Juan eh pinsan Ko at katoto.  Ibig sabihin ay apostoles.

Marcial Aguila:  Sa Inyo pong pagkakatawang-tao.

Ama:  Sa pagkakatawang-tao Ko.

Benigno:  Iba po ba si San Juan Ebanghelista at si San Juan Bautista?  Makaiba po?

Ama:  Iisa lang.

Benigno:  Hindi po ba namatay si San Juan Bautista noong kayo ay nangangaral pa?

Ama:  Namatay si San Juan.

Benigno:  Pinatay po yaon, di ba?  (Matthew 14:1-12; Mark 6:14-29; Luke 9:7-9)

Ama:  Namatay si San Juan Bautista na sinasabi mo.  Pinatay ng isang—  Sige, ituloy mo.

Marcial:  Herodias.  Herodia.

Ama:  Ipinapatay ni Herodias sapagkat hiniling ni Salome ang kanyang ulo.  Kaya ito’y inihain kay Salome na nakalagay sa isang bandehado.

Benigno:  Opo.

Ama:  Iisa ang Juan.  Iisa ang Juan.  Ngayon, ninanais na magkagayon ang buhay ni Juan sapagkat ibig na ipakita ang lihim ng kumpisalan.  Hindi rin ninyo nalalaman siguro iyon?

Marcial:  Hindi po.

Ama:  Bakit ba hiniling ni Salome ang ulo ni Juan?

Marcial:  Dahil laging pinupuna ni Juan ang kasamaan ng kanyang ina.

Ama:  Ina nino?

Marcial:  Ni Salome.

Ama:  Sino yaon?

Marcial:  Herodias.

Ama:  Hindi.  Istoryang kinatha ninyo iyan.  Hindi iyon ang dahil.

Marcial:  Ano po ang dahil, Ama?

Ama:  Sa lagi nang nangangumpisal ang ina ni Salome kay Juan.  Ngayon, itinatanong ni Salome kung ano ang araw-araw na pinangungumpisal ng kanyang ina kay Juan.  Ayaw magsalita ni Juan.  At sinasabi niyang, ‘Hindi ko maaaring ibunyag ang lihim ng kumpisalan.’

                    Kaya sa kabuwisitan nitong isa, hiniling ang ulo ni Juan.

                    Sapagkat si Juan ay pari.  Ngayon, iisa iyan, anak.  Nangyaring muli siyang mabuhay matapos na ang kanyang ulo ay pugutin.  Sapagkat ang kanyang dila mismo ay ayaw magtigil nang kasasalita.  Si Juan, kumikibot ang bibig maski putol na ang ulo.  Kibot nang kibot ang bibig.  Salita nang salita.  Salita nang salita si Juan na ang sinasabi ay ang nauukol sa ebanghelyo.  Kaya ang ginawa ay inilibing na pinagsama yaong—, ibinurol pinagsama yaong ulo at katawan.  Kaya si Juan ay muling nabuhay.  Kung ito ay ilalagay natin sa Kasulatan, napakaraming lubha ang dapat na malagay.  Kaya wala iyan.

                    Ang isa pa.  O, eh, hindi mo natatalastas na mayroon pang isang Juan.  Yaong Juang ikinasal sa Canaa.  O di samakatwid ba, mga anak, tatlo ang Juan.

Marcial:  Dalawa. 

Ama:  Iisa lang ang Juan.  Hindi mo ba nababasa yaong boda sa Canaa? (Juan 2:1-12)

Marcial:  Iba po bang Juan yaon, Ama?

Ama:  Hindi.  Iisa lang iyon.  O nabasa mo ba iyan?  Ang—

Marcial:  Kasal.

Ama:  Ang piging sa Canaa.  Ang boda sa Canaa.  Kahimat si Juan, napakasal sa isang dalagang mainam at may damdam, hindi siya nakipagsamang mamahay sa babaeng pinakasalan pagkat itong aniyang si Juan ay hindi na humiwalay sa Maestro niyang maalam.

Marcial:  Kasal, kasal na walang honeymoon, Ama.

Ama:  Wala.  O di ikinasal sila.  Eh di kami ng aking ina ay kumbidado.  Oras na kami ay manaog ng bahay, kasama na si Juan.

Marcial:  Iniwanan na po ang kanyang asawa.

Ama:  Aba, tinupad ni Juan yaong kanyang ligaw doon sa kanyang pinangasawa.  ‘Ikaw ay aking pakakasalan.’  O eh papaano ay nakakakilala siya ng katotohanan, iniwan ang asawa at sumama sa Maestro.

Benigno:  Hindi po ba doon Ninyo ginawa yaong unang himala?

Ama:  Ang unang himala sa mga alak sa tapayan dahil sa kahilingan ni Birhen Maria.  ‘Anak, aniya, mapapahiya ang may boda sapagkat ubos na ang alak na nakahanda rito.’

                    Kaya ang tugon Ko, ‘Babae, sa iyo ay makaano?  Hindi pa dumarating ang oras Ko.

Marcial:  Bakit po Ninyo tinawag na babae ang Inyong ina?

Ama:  Sapagkat ang Aking ina ay Aking ina datapwat siya ay Aking nilalang.  Sapagkat doon na nga ang unang pagpapakilala ng paghihiwalay ng Diyos at ng tao.

Benigno:  Bakit po naman nasabi Ninyong hindi pa dumarating ang oras Ninyo?  

Ama:  Sapagkat hindi pa iyon ang takdang kapanahunan.  Pero sa malaki Kong pagsasaalang-alang sa Aking ina na hindi Ko maaaring biguin ang kanyang kahilingan sa malaki niyang kahirapan sa Akin buhat sa pagluluwal hanggang sa pagpapalaki ay naganap ang unang himala.

                    Kaya ang sabi ni Birhen Maria sa mga katulong na lalaking naroroon, ‘Mangagsipaghintay kayo at anuman ang sa inyo ay ipag-uutos ng anak ko, buong pusong susundin ninyo.  At doon nga ay nangyaring mangainutusan ang mga katulong na lalaki upang punuin ang kaang o ang tapayan at matapos bulungan, hipan at bendisyunan ay naging isang banayad at masarap na alak.

                    Nakainom na kayo niyan, Marcial, ha?

Marcial:  Ginawa po ninyo rito iyan, Ama.

Ama:  Kaya nga, nakainom na ‘ika Ko kayo niyan.

Marcial:  Isang redoma lang po, Ama.  Kinuha namin doon sa gripo ang tubig.

Ama:  Kayo ang kumuha. At tinikman bago ibinigay sa Akin.

Marcial:  Tinalukbungan lang ni Ama ng ganoon.

Ama:  At pagkatapos, kayo rin ang nangagsiinom.

Benigno:  Noong matapos po, Ama, yaong kasalan sa Canaa ay isinama po Ninyo si Juan?  Eh di nagsimula na Kayo ng pangangaral.

Ama:  Nagsimula na ng pangangaral.  Yaon lang ang unang himala.  Nangangaral na pero wala lang ang himala.

 

Transcription ito na galing sa k15a, 34:07-42:08.

 

File Name:
Website Address:

C:\...\website\2008\pahayag075.htm

http://aristean.org/pahayag075.htm

First uploaded:
Last updated:

2012-02-28
2012-02-28


Revision: 0

Copyright © Aristeo Canlas Fernando 2012. All rights reserved.