PAHAYAG NG ESPIRITU SANTO - 056

ANG SUGAROL NA ABOGADO©

Sinalin ni Aristeo Canlas Fernando
Peace Crusader and Echo of the Holy Spirit

 

Ama:  Mayroong isang babae na may kaisa-isang anak.  Ang bahay nila o ang kanilang dampa ay nakatayo sa may isang gulod.  At ito, hoy, mga binata at dalaga, makinig kayo.

                    At ito ay mayroong kaisa-isang anak na lalaki.  Anupa at ang ina naman ang ginagawang hanapbuhay ay maglabandera.  Alam ba ninyo yaong labandera?

Tagapakinig:  Opo.

Ama:  Baka ‘ka Ko, nakalimutan na ninyo eh.

                    Ngayon, sa kabila ng kahirapan nitong ina, ipinag-uumusad ang anak na makapag-aral.

                    Nang ito’y matapos na sa mababang paaralan, hanggang sa mataas na paaralan, ang sabi ng ina, ‘Anak, ipagdudumaos pa rin kitang papag-aralin ng kursong gusto mo.  Ano ba ‘ika ang gusto mong kurso?’

                    ‘Ang gusto kong kurso’y abugasya.’  Abogado.

                    Anupa’t nag-aral na nga ang anak na ito sa kamaynilaan.  Maya’t maya naman ang panghihingi ng pera sa magulang.  Hingi nang hingi ng pera iyan.  Ang ina naman, kahit nangungutang lang sa pinaglalabadahan, padala naman nang padala sa anak na bumibili ng paaralan.

                    Ngayon, anupa’t sa pagkakatalastas ng kanyang ina’y tapos na ang kanyang anak sa pag-aaral.  At pinadalhan naman siya ng sulat, ‘Nanay, ako’y sa Pasko o sa bisperas ng Pasko uuwi.

                    Ang ina namang ito ay naggayak na ipagtomodo ang kanyang paggagayak sapagkat ang kanyang anak ay darating.

Marcial Aguila:  Abugado na.

Ama:  Abugado na.

Marcial:  Sa kanyang paniniwala.

Ama:  Ngayon, ang anak namang ito eh hindi dumating.  Dumaan ang maghapon ng bisperas ng Pasko.  Hanggang sa magdamag na ang inay sa hagdanan naghihintay.  Doon siya nakaupo.

                    Dumating pa rin ang araw ng Pasko.  Lumipas pa rin ang magdamag na naghihintay pa rin ang kanyang ina.  Datapwat ang anak na abugado eh hindi pa rin dumarating.

                    Ang ginawa ng ina nang sumunod na araw, kagyat na gumawa ng pamuli ng kanyang nalalamang gawing puto, namitas ng mga bungang-kahoy, inayos at siya ay nagtungo sa Maynila para ang kanyang anak ay hanapin.

                    Pero nang dumating siya sa tinitirhan ng kanyang anak, ang kanyang anak ay wala.  Ipinagtanong niya kung saan naroroon at mayroong nakapaghimaton sa kanya sa isang lugar.

                    Anupa’t nang matagpuan ng ina ang inihimaton na lugar, isa palang malaking bahay sugalan.  At nang siya’y magtanong sa mga naroroon, itinuro ang kanyang anak at nang kanyang makita ang kanyang anak, nakatalikod pa’y kagyat niyakap at sinabing, ‘Ano’t ako’y iyong tinitiis.’  Ang sabi ng anak, ‘Aba, sino ka bang matandang babae ka?  Bakit mo ‘ika ako niyayakap-yakap?  Lumayu-layo ka nga ‘ika at ako’y baka lalong malasin.  Yaan ba namang ayos mo, nakapanririmarim eh yayakap ka sa akin.  Ano ka ba ‘ika?’

                    ‘Anak, ‘ika’y nakalimutan mo na ba ang iyong ina?’  ‘Ako ‘ika, hindi ikaw ang ina ko,’ sabi ng abugado na lalaki.

                    Ang ginawa nitong anak ay bigla na tumindig at pinalalayas ang matandang babae.  Ang ginawa naman nitong matandang babae bagamat papaurong ay hindi pa rin matalikuran ang anak.  At nang siya’y malapit na sa hagdanan, itinulak ng kanyang anak ang ina.  Ang inang ito’y nahulog sa hagdanan at sinabi pagkahulog niya sa hagdanan, ‘Anak, minamahal kita.  Datapwat sa itim ng iyong budhi, hinihingi ko sa Diyos na ikaw ay maging  kakatuwang hayop na katatakutan o pandirihinan ng marami.

                    At biglang kumidlat at kumulog.  At ang anak na abugado, sa pag-aakala ng ina ay tinamaan ng kidlat, nasunog at naging abo.  At buhat sa bunton ng abo ng nasunog na katawan, sumulpot at ipagkakatuwang hayop na may sungay, na walang tigil ang kabububo habang siya’y ginagalaw.  Maitim at hindi magandang tingnan.  Yaon ang tinatawag ninyong uwang.

                    Kaya kayo, mga anak, huwag magiging suwail sa magulang.  Matuto kayong maglingkod at magmahal sa mga magulang.  Matuto kayong magpahalaga sa paghihirap sa inyo ng inyong magulang.  Anumang kayamanan, anumang kayamanan ng inyong mga magulang ay kanilang pinagdadalang paguran habang kayo ay kanilang mangapinalalaki.  Ang gabi ay ginagawa nilang araw sa pagmamatyag sa inyo.  Ang kanilang mata ay sinisikangan upang kayo ay huwag lamang dapuan ng lamok.

                    Alam ba ninyo kung ano yaong sinisikangan?

Tagapakinig:  (?)

Ama:  Hindi.  Ang sikang, ang sikang, Roman, iyong dalawang bintana ng mata, nilalagyan ng tukod.

Tagapakinig:  Tinatanuran?

Ama:  Hindi.  Tinutukuran nga para huwag mapikit eh.  Ganyan ang kahalintulad ng pagmamahal ng isang ina sa isang anak.

                    Kaya kayong mga bata kayo, mga dalaga’t binata, kailanman ay hindi dapat magiging suwail sa inyong mga magulang.

Marcial:  Ama, kaugnay po ng Inyong ikinuwento, may kasabihang, ‘Ang sumpa raw po ng magulang sa anak ...’        

Ama:  ‘ay tumatalab.’

Marcial:  Opo.

Ama:  Hindi man kayo isumpa, mga anak, tatandaan naman ng bawat isang magulang, tandaan ninyo ito, mga magulang, anuman ang sama ng inyong loob sa inyong mga anak, huwag ninyong pababayaang pumatak ang isang patak ng inyong luha.

                    Pakatimpi-timpiin, mga magulang, ang lumuha na iniuukol sa inyong mga anak.  Ang isang patak na luha ng magulang na walang sinasabi ang bibig anuman ay isang balakid na pinagdadaan ng hirap ng isang anak na niluluhaan.  Tatandaan ninyo iyan.  Eh yaon pang isumpa.  Hmmph?

                    Kailanman ay hindi luhaan ang kanyang mga anak sapagkat ito ay pagdadaan ng hirap ng mga anak.  Halimbawa, halimbawa lang ito, ha?  Halimbawa natin eh si Marcial eh nagpa, gumawa ng hindi tama.  Umiyak ang kanyang ina.  Bawat isang patak na luha, isang paghihirap na pagdaraanan ni Marcial.

                    Kaya kayo, mga anak, naman, huwag gagawa ng ikapamimighati ng inyong mga magulang para hindi pagdaanan ng pagpatak ng kanilang luha na kayo ang magdurusa.  Naintindihan ba ninyo iyan?  Tatandaan ninyo iyan, mga magulang, na mahihina ang puso.  Walang ipinangangahas kundi umiyak.

                    Kung kayo’y may pagmamahal sa inyong anak, huwag ninyong luluhaan ang kapighatiang sa inyo ay idinudulot.  Kung kayo naman eh mabubuting mga anak, iiwasan ninyo ang magkaroong ng kapighatian na magmumula sa inyo ang inyong mga magulang.  Okay?

 

Transcription ito mula sa k19a, 20:32-32:10

 

File Name:
Website Address:

C:\...\website\2008\pahayag056.htm

http://aristean.org/pahayag056.htm

First uploaded:
Last updated:

2012-01-15
2012-01-15


Revision: 0

Copyright © Aristeo Canlas Fernando 2012. All rights reserved.