PAHAYAG NG ESPIRITU SANTO - 053

ANG PAGDAKIP AT  PAGPAPAHIRAP
KAY JESUCRISTO©

Sinalin ni Aristeo Canlas Fernando
Peace Crusader and Echo of the Holy Spirit

 

Halik pala ang iyong tanda sa kanila.  At lilindi-lindi ang katawan para ng dating asal.  Ako ay muli niyang nilapitan, niyakap at saka hinalikan.  At saka naman yaong mga Hudyo, nangagsikilos na totoo at dinakip na nga Ako.

Bawat isa’y humahawak.  Bawat isa’y humahatak.  Ang Aking kamay ay kanilang agad binuhat at sa likod, at sa likod Ko inilagay yaong Aking dalawang kamay at kanilang tinalian.  At saka naman nang makaraan, kanilang pinagkaladkaran.

Ito ang ipinahahayag Ko sa inyo ang siyang nangyaring totoo nang Ako ay hulihin ng mga Hudyo upang ihain sa inyong mga tao.  Inyo ngang mangaliripin at inyong mangadinggin.  Huwag ninyong lilimutin, ito ang nangyaring tunay sa pagtubos Ko sa tanan.  Yaon ang ganti at bayad sa habag Ko sa lahat.  Parusahan at padamahin ng hirap.  Kaya kayong naririto, ngayon ay mangainaamuki Ko, magsisi na at magbago sapagkat hindi na magtatagal, darating na itong araw sa pag-ulit Kong mataman sa sinakulo Kong mahal, magbubuwis tayong tunay ng isang bagong buhay.

At kung ang buhay na ito ay mabuwis na sa tao, mangyayari nang totoo ang pagkakagulo sa mundo, tuloy naman durugtungan ito ng paghuhukom sa inyo.

Sapagkat Ako’y muling magbabalik upang sa inyo’y ibigay ang Aking pag-uusap.  Kayo ay mangagsisi.  Kayo ay mangagsipagbago.  Mangagsipagbalik-loob kayo.

Matapos ang nangyaring pagdakip sa Akin ng mga lilong Hudyo, kayo na mga bulisik na tao na wala nang ginawang toto, na magpahanggang ngayo’y hindi pa magbago at ang nasa puso’t isip ninyo  ay pawang paglilihis.  Putulin nating lahat ang Aking mangaipinahayag at ang ating balikang lahat ang pagbabago, ang paglayo sa sala, ang pagtalikod sa hibo ng tukso.  Balikan natin ang Aking mga aral sa Aking mga alagad.

Ang Aking pagpapahayag ng pag-ibig, ang Aking pagpapahayag ng pagmamahal, ang Aking pagpapakilala ng Aking mga hirap, ang Aking sa inyong pagmamahal ng mahigit sa Aking mga angheles, sa Aking mga arkangheles, sa Aking mga kerubines, sa Aking mga birhenes at martires sampu ng sa kaluwalhatian ng Langit.

Tunay na kayo ang Aking pinili kahit na ang buhay Ko ay nalugami sapagkat ibig Kong inyong mapagmalas ang Aking tunay na pagsinta sa lahat.

Matapos na Ako’y pagkaladkaranan ng mga Pariseos na banday, Ako’y ipinaghatid-hatiran sa tatlong di-umano’y mararangal: kay Anas, kay Pilato at kay Kaipas.  At nang ang kanilang mga puso ay hindi mangasiyahan, ang tatlong pamunua’y ayaw nilang tantanan(?) kundi Ako naparurusahan.  Ang isinisigaw nilang tunay, ‘Si Jesus ay mamatay!  Si Jesus ay mamatay!’  Di-umano ay nang maglubag ang loob nitong mga Hudyos, hinatulan na ngang tibobos na igapos sa haliging bato at hampasin nang walang todo.

Ang mga hampas na tinanggap Ko, mahigit na limang libo.  Tunay na walang katulad ang nadarama Kong paghihirap.  Ito’y alang-alang sa lahat—sa ikapapawing lahat ng inyong mga salang lahat na Aking mga alagad o hindi man alagad.

Ito ang ganti sa Akin ng Aking mga giniliw—limang libo, apat na raan, limampu at limang mga hampas.  Ang Aking laman ay naagnas.  Ang balat Ko ay nangagtinghas(?).  Ang dugo Ko’y pumatak sa lupa ay nag(?).  Tunay na walang kasinghirap ang Aking nadama ng mga pagkakataong iyon.  Datapwat ang bibig Ko ay hindi bumuka ng pagtutol sa kanila bagkus tinanggap Kong lahat na ang Aking mga parusa. 

At bukod pa sa roon, nang mapagod na sila sa paghampas, sila’y nangagsipagpahingang lahat at ibang paraan ang kanila namang inisip na sa Akin ay ipalasap.

Sa malaki Kong kahirapan, agad kinuha Kong tunay ang tunika Kong mahal na hinabi ng ina Kong mahal.  Naglaro nang matagal sa kanyang mga kamay.  At agad Kong ibinalot sa katawan Ko’y isinaplot.  Datapwat nang ito ay magtagal-tagal na nakabalot na sa katawan, nagdikitan na ang laman sa tunika Kong mahal, kanilang pinaghaplutan.

Isa’t isa’y nangagsisisampal.  Isa’t isa’y nangagsisisuntok, nagsisisipa, nangagsisidagok.  At nang di pa sila nasiyahan, kumuha ng purpurang mahal o panyong marumi kung turingan at kanilang ipiniring naman sa Aking mga mata.  At ang isa’t isa’y nangagsisilura dito sa Aking sugatang mukha at kanila ngang pinahuhula, ‘Kung Ikaw aniya’y Diyos na tunay, ipahayag mo o turan kung sino ang sa Iyo ay tumampal, dumura o tumadyak naman.’

At nang makita ito ni Pilato, agad niyang inawat na totoo ang mga Pariseo.  At ang sinabi niya naman, ‘Inyo nang tigilan ang pagparusa naman sa taong walang kasalanan.’

At kanya Akong kinuha at kagya’t na iniupo na sa isang bangkong hindi maganda, at sinabi sa kanila, ‘Ito ay tao’, na ang ibig bagang sabihin ni Pilato, kayo ay tao at Ako ay tao.  Bakit ninyo ginaganito?

Datapwat ang mga Pariseos ay patuloy na nagsigawan, at muli nilang ipinahayag ang mga kalooban, ‘Si Jesus ay mamatay!  Si Jesus ay mamatay!  Si Jesus ay mamatay!’

Noon ay sa Hudyong kaugalian, kung dumarating ang Paskong araw, sila ay nagpapabuyang tunay sa mga bilanggo ng bayan.  Noon ay nakakulong si Barabas na Aking kapiling nang Ako ay ikarsel sa loob ng bilangguan.  ‘Tayo aniya’y magpapalaya.’  Magpapalaya ng (?) ng kanilang mga pamunuan.  ‘Mamili kayo aniya sa dalawa: si Jesus ay pawalan na at si Barabas ay bitayin na.’  At ang kanilang mga sigawan, ‘Pawalan si Barabas!  Si Jesus ay mamatay!  Pawalan si Barabas!  Si Jesus ay mamatay! Si Barabas ang pawalan.  Si Jesus ang mamatay!’ ang sigawan ng mga Pariseos.

‘Kung ikaw aniya’y hindi hahatol, ‘ ang sabi ng mga Pariseos kay Pilato na siyang hukom na totoo ng mga panahong ito.  ‘Kung ikaw aniya’y hindi hahatol, ikaw ay aming isusuplong.  Kung ikaw aniya’y aming maisumbong sa hari ng Roma, sila’y paririto’t aalisan ka ng tungkulin’, ang sabi ng mga Pariseos.  ‘At kami aniya’y magsisihalal na ikaw ay ialis na tunay sa naghahawak ng hukuman.’

At si Pilato ay nahintakutan.  Agad niya Akong hinatulan ng kamatayang pagpapako sa krus.  Matapos na si Pilato ay makahatol habang nakaupo siya sa hukom, siya ay naghinaw naman sa isang palangganang tubig ng kanyang maruming kamay.  Datapwat ang kanyang hininawan ay ang marumi niyang kamay datapwat yaong nalason ng tungkulin niyang kaisipan ay hindi rin niya nahugasan.

Yaon na nga ang pasimula ng kanilang pagkakatuwa.  Noon ding umagang iyo’y di naliban, Ako ay kanilang hinatulan na ang krus ay pasanin sa gitna ng lansangan.

Itong mga pinahahayag Kong ito sa inyo, ibig Kong pakanilay-nilayin ninyo (?) sa mga pahayag Ko sa inyo.  Inyo itong pagkuwentuhan matapos na kayo’y Aking iwan at matapos ang kaunting muling pagpapahinalay, kayo’y Aking babalikan.

 

Transcription ito mula sa k16a, 0:11.5-12:22   

 

File Name:
Website Address:

C:\...\website\2008\pahayag053.htm

http://aristean.org/pahayag053.htm

First uploaded:
Last updated:

2012-01-12
2012-03-28


Revision: 1

Copyright © Aristeo Canlas Fernando 2012. All rights reserved.