PAHAYAG NG ESPIRITU SANTO - 044

ANG SULAIT©

Sinalin ni Aristeo Canlas Fernando
Peace Crusader and Echo of the Holy Spirit

 

O saan naroon ang mga pang-unawa ng inyong mga puso na siya Kong lagi nang hinihingan at pinananambitanan?  Bakit ang inyong mga puso ay hindi marunong umunawa at magbigay?  Bakit hindi marunong makipagkaisa-isa at bakit hindi maging pantay-pantay ang inyong mga katayuan?  Di baga’t ang walang lamang (empty) salop ang pinagsasalupan at ang punong matong ay hindi na malagyan?  Bakit ang punong matong na ito ay ayaw magbigay sa walang lamang salop?  At bakit ang punung-punong salop ay ayaw magsilid sa gatang?

Sapagkat ang inyong mga puso ay labis na mangapagsarili.  Ang inyong mga damdamin ay patay at nangatutulog.  Walang ilaw ang inyong mga isipan.  Kusa ninyong pinapatay ang liwanag na sa inyo ay lumiliwanag katulad din ng inyong pag-iwas sa sikat ng araw ay gayon ninyo iniiwas ang inyong sarili sa katotohanan.  Pinandidirihan ninyo yaong mga marurumi at gulanit ang damit sa halip na inyong mga bihisan sapagkat yaon ang mga taguri.  Yaon ang mga tagubilin – paramitan ang walang damit, patuluyin ang walang matuluyan, pakainin ang nagugutom at painumin ang nauuhaw.

Datapwat ang mga gulanit ang damit ang siya ninyong nilalayuan at pinandidirihan.  At ang inyong lagi ng kasalamuha ay ang mga katulad ninyong bihis na bihis at saganang-sagana sa karangyaan.  Ang pinag-uukulan ninyo ng pansin at pinag-uubusan ng isipan kung ano ang mga ibibigay ay yaong inyong kapwa-mariwasa.  Yaong kapwa ninyo mayroong ibibili.  Kinahihiyaan ninyo ang hindi ninyo pagkakabigay ng mahahalagang bagay sa katulad ninyong mayayaman.  Datapwat pinipikitan ninyo ng mga mata at iniiwasan ang mahihirap at ang may anyong karima-rimarim dahil sa kawalan ng mga pananamit na isasaplot sa katawan.

O laking kabaligtaran.  Iniiwasan ninyo ang Aking mga tagubilin.  Iniiwasan ninyo ang Aking mga nasa at pilit ninyong pinapatay ang pag-ibig para sa inyong puso at mga gawa.

O mangagsipagnilay kayo at mangagsipag-isip.  Mangag-isip kayo ng mataman at pakaisuot ninyo sa inyong mga puso at gunam-gunam ang inyong mga gawain kung kayo nga ay nangatutunton sa landas patungo sa kaharian ng Diyos o kung kayo ay tumutunton sa landas ng mga kabaligtaran ng patungo sa Diyos.

O saan naroroon ang maluwat na ninyong pag-iisip na mahaba nang ibinuhay sa lupang ibabaw.  O mangagsipagnilay kayong mataman upang inyong makita at maunawaan ang kalinisan at kaliwanagan ng Aking sa inyo ay mga tinatalakay sa mga pagkakataong ito.  Ito ay hindi isang balita lamang kung hindi ito mismo ang tunay Kong karanasan, karanasan Ko sa balat ng lupa sa inyong piling na magpahanggang sa oras na ito, sa puso Ko at dibdib ay hindi nababahaw bagkus ay laging buhay, laging sariwa sa pagdidilig ninyo ng paulit-ulit na pangyayari na nakikita o nasasaksihan ng Aking mga mata.  Bukod pa sa Aking tunay na karanasan ay paulit-ulit pa rin ninyong ipinakikita sa Aking mga mata na walang sawa, na walang hanggan.

 

File Name:
Website Address:

C:\...\website\2008\pahayag044.htm

http://aristean.org/pahayag044.htm

First uploaded:
Last updated:

2010-12-25
2010-12-25


Revision: 0

Copyright © Aristeo Canlas Fernando 2010. All rights reserved.