PAHAYAG NG ESPIRITU SANTO - 034

PALAWAKIN ANG ISIPAN©

Sinalin ni Aristeo Canlas Fernando

Ama:  Ako’y may itatanong.  Ikaw ba, Aristeo, ay mayroong pakpak at gaano naman kalawak na ang iyong pakpak?

Aristeo Fernando:  Physically po, wala po akong pakpak.

Ama:  Naku, kawawa ka naman.

Aristeo:  Paa po para ako ay makarating dito.

Ama:  Samakatwid eh yaong Aking tanong ay dalawang magkasunod, ‘Ikaw ba ay may pakpak at gaano kalawak ang iyong pakpak?’, ang sabi mo ay wala kang pakpak.  Kaya, sinasabi Ko naman at Ako naman ang sasagot dahil nakuha mo na ng isang sagot yaong Aking dalawang tanong.

     Sana, Aristeo, ay magkaroon ka ng pakpak.  Dahil ang gusto Kong pumupunta rito, kung wala mang pakpak sa unang pagparito ay katulad lamang ng sisiw na bagong kapipisa.  Walang pakpak, may pakpak nga ngunit walang balahibo.  Kung humaba na ang balahibo nito at magkaroon na siya ng kahustuhang bagwis, siya’y nakalilipad at nakaparoroon na sa lahat ng lugar na gusto niyang paroonan sa pamamagitan ng matulin o mabagal na paglipad.

     At sana’y sa sinasabi mong wala kang pakpak maliban sa mga paa lamang, sana buhat ngayon ay magkaroon ka na ng pakpak at sana ay mabilis na tumubo ang bagwis upang madali kang makalipad.

     Sapagkat tulad ng sinasabi Ko kanina, na hindi mo nga narinig, sa Diyos ay isang segundo na lamang ang daigdig.  At ibig Ko sanang ang isang segundong ito ay hindi na maaksaya o masayang kundi maiuwi ninyong lahat sa mga kabutihan hanggang sa bago tuluyang magiba ang daigdig, eh maabot ninyo ang sukdulan ng buti.

     Ang mundo sa Diyos ay isang segundo na lamang.  Kayat sinasabi Ko na pag-ukulan ninyo ng panahon na kayong lahat, kung sinuman itong wala pang pakpak, mabilis na makapagpatubo ng bagwis upang makalipad nang mabuti.

     Sapagkat kung hindi natin mararating ang karurukan ng pagpapakabuti, hindi natin makakapiling ang Diyos.  At kung tayo ay walang pakpak ay hindi natin mararating ang karurukan, ang hangganan, ang takdang lugar.

     Kayat dahil dito’y gamitin natin ang matalinong pag-iisip.  Magsikhay tayo na ating mapalawak ang ating isipan at ito ang ating pakpak o bagwis.  Sapagkat kailanman kung hindi tayo mangangarap ng pangaraping-langit, mananaig tayo o maniniig tayo sa puro pangarapin ng kayamanan na pangkalupaan—bagay na walang kabagay-bagay.  Bagay na walang kabagay-bagay ang mangarap ng puro pangkalupaan.

     Kayat dugtungan natin ang lawak ng ating isipan at ito ang ating pakpak upang tayo ay makarating sa karurukan ng pangarapin at pananagumpay—pananagumpay na ang ating matatamo ay marating ang karurukan ng kabutihan o ang hangganan ng kabutihan.

     Ang sinumang hindi magmahal sa kanyang kapwa-tao ay hindi nagmamahal sa Diyos.  Sapagkat ang Kanyang sinabi ay ganito sa isang Kanyang kinausap: ‘Minsan Ako, ikaw ay nagdaraan na may sasakyan at Ako ay nakiusap sa iyo na mangyaring Ako’y ihatid mo sa pagamutan nang Ako’y madaanan mong may sakit, datapwat Ako’y hindi mo inintindi.  Hindi mo inalintana ang Aking pakiusap at Ako ay iyong tinalikdan.’

     At ang sabi naman ng tao na kinakausap ng Panginoon, ‘Panginoon, kailanman po ay hindi ko iyon nagawa sa Iyo.  At hindi ko po nalaman kailanman na ako ay Iyong pinigilan upang Ikaw ay ihatid sa ospital.’

     At sinundan pa ng Panginoon ng pagsasalita, ‘Minsang Ako’y gutom na gutom at ikaw ay Aking tinawag at Ako’y humihingi sa iyo ng kapirasong tinapay datapwat hindi mo Ako inalintana.  Tiniis mo ang Aking kagutuman.’

     ‘Panginoon, kailanman po ay hindi ko nalamang Ikaw ay nanghingi sa akin.  At kung nalaman ko po lamang na Ikaw ay nanghingi sa akin, ‘     ‘Ako’y nangangailangan ng tulong isang araw na Ako ay iyong nadaanan.  Napasasakoro Ako sa iyo datapwat hindi mo Ako sinakorohan o sinaklolohan.’

     ‘Kailanman po’y di ko nalaman na Ikaw ay humingi sa akin ng saklolo.  O, Panginoon, sapagkat kung nalaman ko pong Ikaw ay nanghihingi sa akin ng saklolo, buhay ko man ay ipapain ko alang-alang sa Iyo.’

     ‘Ang sinumang hindi magmahal,’ sabi ni Jesus, ‘sa kanyang kapwa-tao ay hindi nagmamahal sa Diyos.  Hindi mo ba natatalastas na ang iyong kapwa-tao, Ako ang lumikha?  Hindi mo ba natatalastas na ang iyong kapwa-tao, Ako ang nagbigay ng buhay?  Hindi mo ba natatalastas na sa iyong kapwa-tao ay naroon Ako?  Hindi mo ba natatalastas na sa iyo ay naroon Ako?  At Ako’y humingi ng saklolo sa pamamagitan ng iyong kapwa-tao datapwat di mo siya pinansin.’

     Tunay na tunay na sinasabi Ko sa inyo na ang sinumang hindi kumilala sa Akin sa balat ng lupa, itatakwil at di Ko rin kikilanlin doon sa sariling bahayan ng Aking mahal na Ama.  Ang sinumang itatwa Ako at ikahiya sa lupang ibabaw ay tunay na tunay na sinasabi Ko sa inyo, na Aking itatatwa at Aking ikahihiya at di kikilanlin sa harap ng Aking mahal na Ama.

     Ako ang Daan, Pintuan, Ilaw.  At ang sinumang hindi magdaan sa pintuang ito ay hindi makararating sa tahanan ng Aking mahal na Ama.

     Kayat kung papaano ninyo hindi iniibig ang inyong kapwa-tao na pinagbuwisan ng buhay ni Jesucristo na bugtong na Anak ng Diyos ay gayon din ninyo hindi makakamtan ang Kanyang pag-ibig at ang Kanyang pagkalinga.  Sapagkat aayaw ninyong magdaan sa isang tanging Pintuan na puwedeng paglagusan upang marating ninyo ang kaluwalhatian ng mga langit.

     Iniibig Ko ang sangkatauhan nang walang hanggan at walang kapantay.  Kung papaano ibinuwis Ko sa inyo ang Aking buhay ay gayon Ko nilimot ng mga sandaling yaon ang kaginhawahan at kaluwalhatian ng langit ng Aking mahal na Ama.  Ibinuwis Ko sa inyo ang Aking buhay sapagkat ganyan na lamang ang pag-ibig sa inyo ng Aking puso.  Ganyan na lamang ang walang hanggang pagnanais Ko na kayo ay mailigtas sa mga pagkakasala at tiyak na pagkaparoon sa apoy ng impiyerno.

     Ninais Ko na kayo ay mangaligtas sa pamamagitan ng pagbubuwis ng Aking buhay sapagkat nais Kong kilalanin ninyo nang lubusan ang kadakilaan at kataimtiman ng pag-ibig sa inyo ng Aking mahal na Ama na sa inyo ay nagbigay-buhay at nagbigay ng ikabubuhay at nagbigay ng lahat ng mga bagay upang kayo ay maging isang ganap na tawaging mga tao o kaluluwang may buhay.

     Bagaman at kayo ay tinatawag na kaluluwang may buhay, tunay na tunay na kayo ay walang buhay at ang inyong buhay ay si Jesucristo na sa inyo ay walang sawang umiibig at nagmamahal at ang Kanyang buhay ay ibinigay para sa inyong kaligtasan.

     Datapwat nililimot ninyo Siya sa pamamagitan ng labis ninyong pagmamahal sa inyong sarili at pagkalimot sa inyong kapwa-tao.  Dahil sa matatamis na pangaraping inihahandog ninyo sa inyong mga sarili at nililimot ninyo ang Diyos na sa inyo ay nagbigay-buhay.  Ganyan na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa tao kung kayat isinugo Niya ang Kanyang bugtong na Anak upang inyong maging tulay buhat sa makasalanang daigdig hanggang doon sa kaluwalhatian ng mga langit ng Aking mahal na Ama.  Datapwat ang tulay na ito’y hindi ninyo pinanghihinayangang igiba at ibagsak.  Hindi naisip ng bawat isa sa inyo na kung mabagsak o magiba ang tulay na inyong tinutulayan, nangakakasama kayo ng pira-pirasong tulay na mahuhulog sa kailaliman.

     Datapwat ang taong mga walang isipan at mga walang toto, nangagsituntong sa tulay at pagkatapos ay walang awang ito ay pinukpok ng maso hanggang sa ang tulay ay magkadurug-durog at magkapira-piraso.  Datapwat kasama ang nangakatuntong, nangahulog sa kailaliman.  At sinasabi Ko sa inyo, magsiiwas kayo sa pira-pirasong tulay na ito sapagkat kayo ay hindi dadalhin sa ibayo ng pira-pirasong tulay na ito, bagkus kayo ay ihuhulog sa kailaliman.  Pagsumikapan nating buuin ang tulay na winasak ng mga Hudyo.  Pagsumikapan nating pag-ugpung-ugpungin ang bawat piraso ng tulay na winasak ng mga Hudyo upang tayo ay walang peligrong makatulay at marating natin ang ibayong dagat na dapat nating tahakin.  Dapat tayong makarating sa kabilang pampang nang matahimik at mapayapa.  Sapagkat sinasabi Ko ito sa inyo, sapagkat lubhang malakas ang hangin sa laot na sukat ikatumba o ikalubog ng inyong bangkang panlayag.   

     Ang bangkang panlayag na ito bagaman at may katig ay lubhang mabuay sapakat hindi gaanong bihasa ang sumasagwan.  Mangyaring pag-igihin ninyo ang paghawak sa tikin upang kayo ay huwag malunod sa kalagitnaan, upang ang inyong bangka ay hindi tumaob hanggang sa tulyang lumubog sa laot.  Mangyaring paghusayin ninyo ang paghawak ng tikin upang kayo ay maluwalhati at buong kapayapaang makarating sa ibayong pampang.

     Nalulungkot Ako nang walang hanggang kalungkutan sapagkat ang inyong puso, sa halip na lumakas na nangagsisihina.  At sinasabi Ko sa inyo na pag-igihin ninyo ang pagsagwan sapagkat ang dagat na inyong tnatahak ay hindi pababaw bagkus ay palalim.

     Mayroong mga maninila sa ilalim na malapit sa kinaduduungan ng inyong bangkang panlayag.  May mga nakaabang na pating na kayo ay handang silain upang kayo ay mapahamak.  At kung ang mga pating na ito ay managumpay na kayo ay masila, alalaon baga’y hindi na ninyo mararating ang ibayong pampang at kayo ay mangahuhulog o mangalulunod sa laot ng karagatan.

     Tulad ng sa inyo ay Akin nang naihayag.  Daratnin ninyo ang malalaki at walang kapantay na kahirapan ng pagsubok.  Kayat mangagpakatatag kayo at mangagpakatibay sapagkat ang sinasabi Ko sa inyo ay punung-puno ng katotohanan.

     Palawakin ninyo ang inyong isipan at datiging pilit ng mga bagay na sa inyo ay Aking inihahayag.  Nahahabag Ako sa inyo sapagkat ang inyong isipan ay lubhang kapos at gayon din ang inyong puso na batbat ng kahinaan.

     Mangagpakatalino kayo.  Mangagpakarunong.  At sinasabi Ko sa inyo kailanman ay hindi Ko kayo nasang mangaligaw.  Sinasabi Ko ito sa inyo upang mangagsilakas ang inyong kalooban at makapaghanda sa mga araw na darating.  Hindi Ko iibiging maging matalino kayo at marunong kung Ako ay mayroong balak na kahit kaunti ay iligaw kayo.  Bagkus nanasain Kong kayo ay maging mangmang upang huwag ninyong mangaunawaan ang mga bagay na sinasabi Ko.  Datapwat mangagpakarunong kayo at mangagpakatalino.  Mangalubusin ninyo ang pananampalataya sa Diyos at mangagpakatibay sa Kanya.  Ibuhos ninyo sa Diyos ang inyong kalooban at kailanman ay huwag bayaang manaig sa inyong mga puso ang pag-aalinlangan.

     Walang makagagabay sa inyo nang lubusan at walang makapagbibigay sa inyo ng kaligtasan maliban sa Diyos.  Ialis natin sa ating puso ang isang pag-aalinlangan tulad ng nangasasainyo ngayon.  Kayo ay mga inaanyayahan Ko na magbigay ng isang tunay at lubos na pananampalataya sa Diyos.  Sumandali nating kalimutan ang tinig Kong ito sapagkat hindi ito ang ipinag-aanyaya Ko sa inyo na inyong panampalatayanan kundi inaanyayahan Ko na ipagkaloob ninyo ang inyong lubusang pananampalataya at buhay sa tunay na Diyos.  Hindi Ko maipaggugumiitan sa inyo na ang tinig na ito ay Diyos.  Datapwat sinasabi Ko sa inyo at inoola na dinigin ninyo ang Aking mga salita at mga panawagan sapagkat ito ay salita na nagmumula sa Diyos.

     Lubusin natin ang pag-aaral.  Pakatinginin ninyo ang inyong mga kalooban.  Sasandali na lamang ang ating gagawing pag-aaral datapwat lubhang mahaba ang ating mga aralin at baka tayo ay mangahuli sa panahon.  At ang mga bagay na ito ay hindi Ko ninanasa na inyong sapitin.  Sapagkat ang ikapaparoon o ang ikapapahamak ng inyong kaluluwa ay lubos Kong ipagdaramdam.  Sapagkat masasabi Ko sa Aking sariling mawawalan ng kabuluhan ang Aking pagsasakit at pagpupunyagi.  Mawawalan ng kabuluhan ang pagbubo ng Aking dugo at mawawalan ng kabuluhan ang pagtanggap Ko sa kamatayan buhat sa kamay ng mga tao na Akin lamang na nilalang kung ang bawat isa sa inyo na siyang ipinagkaloob sa Akin ng Aking mahal na Ama na pakaingatang lubos ay mangapapahamak at hindi magkakamit ng kaligtasan.  Kayat ipinagsusumamo Ko sa inyo na Ako ay inyong tulungan—tulungan sa inyong mga sarili upang hindi mangaparoon sa apoy ng impiyerno.  At ang magagawa ninyong tulong para sa inyong sarili na siya ninyong magiging tulong sa Akin ay ang pagkakaroon ng matibay at matatag na pananampalataya sa Diyos.

     Pag-ubusan natin ang oras at sandali ng pag-iisip ang mga bagay na sa inyo ay Aking inihahayag.  Pakinggan ninyo ang lahat ng Aking sinasabi at mangapakalimiin sa sarili upang kayo na mismo ang magbilid at magbaon sa binhi sa inyong mga puso upang kayo na mismo ang maghanap ng kanyang magiging bunga sa magiging sa inyo at inyong kapwa ay paki-pakinabang.  Ibig Kong kayong lahat ay mangaligtas at huwag magkamit ng anumang uri ng kasawian dito sa lupa hanggang doon sa kabilang buhay.  Pakalimiin ninyong mataman ang lahat ng mga inihahayag Kong ito at inyong mangaaralin sa sarili nang walang pagsasawa.  Akayin ninyo ang lahat ng mga naliligaw ng landas upang magsitahak sa isang landas na matuwid at makatarungan.  At kung magkagayon ay mararating ninyo ang karurukan ng tagumpay ng pagpapakabuti at pagpapakabanal.

             

File:  pahayag034.htm     First uploaded:  2008 July 15     Last updated:  2008 July 15     Revision:  0

 

HomeRevelationsProphecies888 – Number of JesusCrucifixionTeachings in Pilipino

Aristean CalendarAristean Decimal TimeAristean CycleWorld PeacePostingsSite Map

 

© Aristeo Canlas Fernando 2008

All rights reserved.