PAHAYAG NG ESPIRITU SANTO - 033

TAYO AY PANTAY-PANTAY AT MAGKAKAPATID©

Sinalin ni Aristeo Canlas Fernando

Ikaw ay nagkaroon ng mapanghamak na diwa sa kapwa-tao.  Ano’t gawa mong pinanghihinayangan ng bahagi mong naipagkakaloob sa iyong kapwa gayong hindi mo nililingon ang ibinhagi sa iyo ng Diyos.  Gayong hindi mo nililingon na kayo ay pantay-pantay na sa lupang-alabok nagmula na baka kaya marahil, ang isang punungkahoy ay ugat lamang ang sumayad sa lupa at ang kanyang dulo at usbong at mga bulaklak at sanga ay hindi sumayad sa kalupaan.

 

Higit na mapalad sa inyo ang mga punungkahoy sapagkat ang kanilang ugat lamang ang nagpamula sa lupa at ang bahagi ng kanilang inilalaki datapwat ikaw ay tunay na lupa at tao.  Tunay kang lupa at tao at ikaw ang sadyang hamak at ngayon, ikaw ay marunong humamak sa isang tao na hindi mo nalalaman kung tunay na kapwa mo tao, kung saan nanggaling at kung saan nagmula.

 

Ano’t pinanghihinayangan mo ang oras na ipagkaloob sa Akin sinasaad sa inyong ito?  Ano’t pinanghihinayangan mo ang mga bagay at oras na iyong ipinagkakaloob sa iyong kapwa-tao samantalang iyong talastas na kayo ay pantay-pantay, hamak at maruming lupa, pamahayan ng uod.

 

Bakit?  Saan mo kinuha ang kataasan mong iyan?  At saan mo kinuha ang iyong mga panghahamak sa kapwa?  Samantalang kayo ay tunay na magkakapatid sa iisang pinagmulan.  At ang inyong tunay na kabahagi ay ang uod.

 

Salamat sa pag-ibig ng Diyos at binigyan ka ng buhay at kung paano kang inibig ng Diyos at binigyan ng buhay ay gayon din ang iyong kapwa hamak na lupa.  At bakit ngayon, pinipilit mong ilayo sa karamihan ng iyong loob, pinipilit mong ibahin ang iyong puso at pagkatao samantalang kayo na hamak sa kabilang hamak, lupang-alabok na marumi na walang kapantay ng karumihan, na siyang tinatapak-tapakan lamang ng mga hayop at halaman at saka sa ngayon, daig mo pang dumudusta ang iyong Diyos sa iyong kapwa-tao gayon din sa kanyang mga hayop na nilalang.

 

Baguhin mo ang puso mo, tao.  Baguhin mo ang loob mo, taong nilalang.  Baguhin mo ang loob mo, lupang-alabok.  Gawin mong wangis ka ng Diyos.  Ang taglayin mong buhay ay ang buhay na ipinagkaloob sa iyo ng Diyos.  Datapwat, gayon din, ibahagi mo tulad ng pagbabahagi ng Diyos sa iyong kapwa na hamak na lupang-alabok ang iyong pag-ibig na ito ay minana mo lamang, ipinagkaloob lamang sa iyo at ipinatagong pansumandali.  Nanghiram ka lamang ng buhay.  Nanghiram ka ng pag-ibig.  At ang ipinanaig mo sa iyong sarili ay ang pagiging iyong lupang-alabok.  Kasingsama ng uod ang iyong nasa.  Kasingsama ng uod ang iyong diwa na walang nasang gawin kundi ang manila ng mga halamang sapat na ikabubuhay ng mga tao sa lupang ibabaw.

 

Tao.  Tao.  Tao.  Dapat mong makita ang uod.  Dapat mong makilala ang uod na iyong kawangis sapagkat siya ang tunay mong kapatid na nagmula sa lupang alabok.  At naging maganda ka dahil sa pag-ibig na ipinagkaloob ng Diyos at buhay at ngayon, ikaw ay naging mataas.  Mataas na mataas.  Datapwat ang isipin mo sa darating na araw at bukas na ikaw ay hihimlay sa ilalim ng lupang iyong pinagmulan.  At ang iyong buto at laman ay hahalo sa lupang tunay mong ina at kapatid sa lupang ibabaw.

 

Baguhin mo ang iyong pagpapakataas.  Baguhin mo ang iyong panghahamak.  Alisin mo ang iyong pag-aglahi sa kapwa.  Alisin mo ang pangmamata sa kapwa sapagkat hindi mo natatalastas kung gaano ka karumi at kung gaano karumi o kalinis kaya ang hinahamak mong kapwa-tao.  Gamitin mo ang bahagi ng pagka-Diyos.  Gamitin mo ang parte ng pagka-Diyos na walang bahagya mang lupang-alabok datapwat nagkaloob sa iyo na hindi nanghinayang ng pag-ibig Niya at buhay upang ikaw ay maging buhay na ganap, maging pag-ibig na ganap, maging kaluluwa, at pinagdaan pa ng kaluwalhatian ng mga langit na iyong sinasayang sapagkat ang iyong pinaiiral ay ang pagiging hamak mo.  Sa kabilang hamak na lupang-alabok.  Lingunin mo ay ang bahagi ng iyong pagka-Diyos, ang parte ng iyong pagka-Diyos.  Siya mong ipagkaloob sa iyong kapwa-tao.

 

O ang taas mo ay bababa.  O ang iyong pagiging malaki ay liliit sapagkat sa sandaling mawala ang malinaw na tubig na ipinasasalok ay manunumbalik sa pagiging isang tuyot na lupa at tigang na pinandidirihan ng sinumang taong nabubuhay. 

 

Gayon din Ako para sa inyo.  At kung papaano ninyong pinadidirihan ang isang uod, gayon Ko rin kayo pandidirihan sapagkat kayo nga ang tunay na kapatid ng uod at hindi ang inyong hinahamak, hindi ang inyong dinudusta, pinanghihinayangan ng oras at sandali na pinagkakaloob sa lupang-ibabaw.  Sapagkat sa sandali ng tunay Kong paghuhukom sa inyo, wala Akong kasama at kaalakbay liban sa Aking Ina at Aking kapatid na si Reneliniyindi.  At ito ang sandali ng Aking paniningil.  At kung paano Ako maniningil, gayon siya maniningil.  At kung paano siya maniningil, gayon Ko rin kayo sisingilin sapagkat tunay na kayo ang humahamak.  Tunay na kayo ang dumudusta, tulad ng ginawa ninyo sa Akin na paghamak, pagdusta at pagpatay.  Kayo na mga taong kapatid ng uod, bahagi ng lupang-alabok.

 

Kapayapaan ng Diyos ang maghari sa inyong mga puso ngayon at magpakailanman, sumainyo ang Panginoon.

 

Mga tao:  Salamat po sa pagiging dapat.

 

Suma-Ama kayo buhat sa Akin mula sa Ama, madama nawa ng inyong mga puso ang init at ningas ng apoy ng Espiritu Santo, madama nawa ng inyong kaluluwa ang biyayang kapayapaan, sumainyo ang Panginoon.

 

Mga tao:  Salamat po sa pagiging dapat.

 

Hatol sa nakatakip at hindi sa nakabukas.  Pagbaguhin ninyo ang inyong isip.  Paglinisin ninyo ang inyong puso.  Harapin ninyo ang katotohanan.  Kayo ay humarap sa katotohanan.  Hanapin ninyo ang totoo.  Landasin ninyo ang lupa para matagpuan ninyo at mapag-isip-isip ang katotohanan na kayo ay mga lupa.  Babalik Ako uli.

                         

File:  pahayag033.htm     First uploaded:  2008 July 13     Last updated:  2008 July 13     Revision:  0

 

Home • Revelations • Prophecies • 888 – Number of Jesus • Crucifixion • Teachings in Pilipino

Aristean Calendar • Aristean Decimal Time • Aristean Cycle • World Peace • Postings • Site Map

 

© Aristeo Canlas Fernando 2008

All rights reserved.