PAHAYAG NG ESPIRITU SANTO - 003

 

ANG SAWIMPALAD NA INHINYERO

Sinalin ni Aristeo Canlas Fernando

 

May isang taong mayaman na mayaman na mayaman na napakayaman na gusto niyang magkaroon ng magandang-magandang-magandang bahay na napakaganda. Humanap siya ng magaling na magaling na napakagaling na arkitekto para maggawa ng plano ng kanyang bahay. Mayroong nagpakilala sa kanya, "Ito po anya, magaling na inhinyero at makagagawa ng napakagandang bahay na ginugusto ninyo."

At nang makilala ng mayaman na mayaman ang magaling na magaling na inhinyerong ito na gagawa ng kanyang magandang-magandang bahay ay kanya na itong kinontrata. "Ang gagamitin mo sa paggawa ng aking bahay ay yoong tinatawag ng mga tao na materiales fuertes. Nandidiyan ang narra. Nandidiyan ang marmol. At ang lahat ng bagay na makagaganda, na makatitibay, na makahuhusay, na makapagbibigay kapurihan sa gagawin mong bahay."

At pumayag ang inhinyero. At pinasimulaan ng inhinyero na gawin ang bahay. At tunay na tunay na ginawa niya itong magandang-magandang-magandang bahay. Sapagkat ang bilin, ang kahoy na gagamitin ay narra at ang gagawin namang suwelo ay marmol kaya't kanya itong pinagkaganda-ganda na walang kasingganda.

Datapwat sa halip na ang kanyang ginamit ay narra, kumuha siya ng plywood at siya niyang nilagyan ng haspi na korte o haspi ng narra. At kumuha siya ng yaring baldosa at nilagyan niya ng design na marmol design. Sapagkat ibig niyang tumubo ng marami sa kanyang napakapambihirang nakontrata.

Ano pa at lahat ng mga patakbuhing gamit ang kanyang ginamit at dinaan lamang niya sa talagang artipisyal na pagpapaganda. At nagtubo siya ng malaki. Malaking-malaki ang kanyang tubo.

Ano pa at nayari ang malaking-malaking-malaki at magandang-magandang-magandang bahay na ito at napakaganda. At dumating ang may-ari at inilibot kaagad ng inhinyero sa ginawa niyang napakalaki at napakagandang bahay.

At humanga at nagbigay papuri ang mayaman. At sa katunayan at kinamayan pa niya ang inhinyero. "Binabati kita sa magaling mong pagkakagawa ng aking bahay." Sinabayan niya ng pag-abot ng kanyang kanang palad bilang kataimtiman ng kanyang pagbati sa pagkakagawa ng mahusay at magandang bahay. At sabi ng mayaman, "Dahil sa kahusayan at kagalingan ng iyong pagkakagawa ay binibigyan kita ng gantimpala. Ang ibibigay ko anya sa iyong gantimpala ay magiging iyo ang tahanan na iyong ginawa."

Hayan ang naging gantimpala ng inhinyero galing sa mayamang nagpagawa. Sa kanya ibinigay ng mayaman ang kanyang ipinagawang bahay. Nagalak ang inhinyero. At natuwang-natuwang walang katulad sa tuwa. Datapwat ang kanyang puso ay nahahapis. Sapagkat dumating ang isang buwan ay dumating ang tag-ulan. Pumatak ang ulan at ang lahat ng kanyang ikinabit na plywood ay nagbukahan. Ang panghihinayang ng inhinyero ay walang katulad at walang kapantay sapagkat ang ipinagagawa sa kanya ay materiales fuertes--narra at marmol.

Hindi niya sinunod ito sapagkat ibig niyang magkaroon ng malaking tubo, malaking-malaking tubo. Kaya ngayo'y lumuluha ang kanyang puso sapagkat hindi pa siya nakakadalawang taon sa pamamahay, nabulok na ang dingding at nagiba na ang bahay.

Ganito kayo, mga anak. Kayo ay Aking pinaghahanda ng magagandang bahay. Kayo ay pinapaglilinis Ko ng inyong mga kaluluwa datapwat sa takot ninyo at panghihinayang sa malaking oras na inyong magugugol, dapat sana'y maipaglaba muna ang tatlong oras para sa araw ng Linggo at maipagsaing muna ng pagkain ang dalawang oras, maipanahi muna ang isang oras at nang noon ang inyong gustong iukol na isang oras sa pakikipagsesyon o pakikipagniig sa Akin ay inyong masarili. Ano pa at mabahaginan ninyo ang araw na hindi para sa inyo kundi para sa Akin. Ayaw ninyong ibigay sa Akin ang buong araw ng inyong isang araw na ibibigay sa Akin kundi ang ibig ninyo ay one-third at kung maaari ay one-fourth at kung maaari ay one-fifth na lang ang sa Akin. Masyado kayong matatawaw. Ibig kasi ninyo ang inyong anim na araw ay maging anim at kalahating araw o anim at ikatatlo o tatlong parteng apat na araw o pitong araw.

Ganito Ko kayo gustong gumawa ng bahay. Sa kaharian ng Aking mahal na Ama ay lubhang maraming tahanan. Kayat Ako'y paroroon upang kayo ay maipaghanda ng mga dakong kalalagyan at kung ito'y nakahanda na ay Ako'y magbabalik sa lupang ibabaw upang kayo ay kunin sapagkat ibig Kong kung saan Ako naroroon ay dumuon din kayo. At kayo ay Aking pinaghahanda ng inyong pamasahe o paggagayak. And sinasabi Ko sa inyo ay maghulog kayo sa subdivision ng Aking Ama na sa inyo ay inilalaan.

Datapwat ang inyong isang araw na ihuhulog ay ginagawa pa ninyong one-fourth, kailan kaya kayo makatatapos kung dumating na ang sandaling paglilipat ay maiiwan kayo sapagkat hindi tinatanggap ng Aking Ama ang may-utang? Nakukuha ba ninyo ang sinasabi Ko?

"Ama," sabi ni Marcial, "aray po, aray!"

Eh paano, Marcial, kung kamukha noong nadidinig Kong 'Aray, aray, aray. Kinagat ng patay.'? Masakit ang totoo.

Ano ang mga bagay na ating sinasabi at ating mga ginagawa at ang kahalintulad nito ay pagpapagawa sa inyo ng isang mayaman ng isang bahay na malaking-malaking at magandang-magandang bahay na ang magmamay-ari ay kayo? Datapwat inyo itong minemenosan ng paglalagay ng mahuhusay at matitibay na materyales at kasangkapan.

Samakatwid baga ay kayo ang mababasa at kayo ang matutumba at kayo ang mahuhulog. Gaya halimbawa ng isang marunong at isang mangmang na ang isa ay nagpatayo ng bahay sa buhanginan at ang isa ay nagpatayo ng bahay sa kabatuhan. Nang dumating ang malakas na bagyo o hangin at malakas na ulan, ang bahay na itinayo sa buhanginan, kasama ng buhanging naagnas. At ang nakatinding sa kabatuhan, nagdaan ang malakas na ulan at malakas na hangin, datapwat hindi natigatig ang bahay na nasa kabatuhan. Sapagkat siya ay matalino. Naisip niya na kung sa buhanginan niya itatayo ang kanyang bahay, madaling itayo ito sapagkat ang buhangin ay malambot at madaling hukayin, madaling pagbaunan ng mga tungkod at ng mga haligi at ng iba pang menudensiya ng bahay. Datapwat sa isang malakas na ihip ng hangin at malakas na patak ng ulan, kung papaano naguguho ang talumpok ng buhangin ay gayundin makakasama o makakatangay ang bahay na itinayo ng isang mangmang.

At ang mga bagay na ito ay ganito Ko sinasabi sa inyo sa pamamagitan ng pagtawag ng isang mayaman ng isang magaling na inhinyero. Datapwat ang natawag ng mayamang ito bagaman siya'y ubod nang yaman ay isa namang ubod nang sawimpalad na inhinyero.

At ayaw Kong kayo ay maging isang sawimpalad na manggagawa ng tahanan. Ibig Kong dito pa lamang ay inyo nang mangapagsikapan na makagawa ng inyong tahanan doon sa kaharian ng Aking mahal na Ama upang kayo ay maging karapat-dapat na manirahan at ang inyong magawang tahanan ay hindi pansamantala lamang kundi panghabang-panahon o panghabambuhay.

Ganito Ko ninanais na kayo ay makapagtayo ng tahanan. Ibig Kong kayo ay maging magaling at marunong at mapalad na inhinyero. Hindi isang sawimpalad at walang dunong na inhinyero ang inyong maging kahalintulad. Sapagkat lubos Kong panghihinayangan ang mga oras at panahon sa inyo ay Aking iniukol at ibinigay kung kayo ay magiging sawimpalad na inhinyero lang.

Katulad halimbawa ng isang magulang na nagpapaaral at nagpakasakit na makapagpaaral ng anak at sa loob ng apat ng taon sa elementarya, ang anak ay nalalagpak at sa loob ng apat na taon sa elementarya, ang anak ay nalalagpak at sa loob ng apat na taon sa primarya ay nalalagpak ang anak. At nang dumating sa high school ay hindi na nga nakaahon ang anak. At nang dumating sa college ang anak ay tuluyan nang natumba at anong sakit at anong pagkasiphayo ng walang-palad na magulang sa anak.

At ayaw Kong Ako na tinatawag ninyong Ama na tumatawag sa inyo ng anak ay maging o magkaroon ng ganyang karanasan ng pagkasiphayo. Bigyan ninyo ng kaganapan ang ninanais ng Aking puso na batbat na ng pagpapakasakit at pagdurusa mula't sa pasimulang ang daigdig ay likhain. Sapagkat mula't sa pasimula ng daigdig ay likhain, ang pumasok at ang naging kapalit na dito sa Aking puso ay pagkasiphayo. Naduhagi ang Aking puso nang walang kapantay na pagkaduhagi. Nadurog ang Aking puso nang walang kapantay na pagkaduhagi. Nadurog ang Aking puso at ito ay hindi lamang nagkadurog-durog kundi lubusang napulbos. Nagkadurog-durog ang Aking mga laman at nagkabiyak-biyak ang Aking mga balat, nagtagpos sa Aking mga buto nang dahil sa pagmamahal Ko sa inyo. Sapagkat ibig Kong Ako ay magtagumpay. Ibig Kong idulog, ihain kayo sa Aking mahal na Ama sa Kanyang harapan na kung mangyayari ay magkaroon pa ng mangakakasamang mga bunga sapagkat kung papaano Niya ibinigay sa Akin ang isang malawak na kabukiran at Kanyang iniatas sa Akin na mapagtamnan ng mga bagay o halamang kapaki-pakinabang, ibig Kong iharap sa Kanyang ito ay hindi lupang-tigang kundi lupang-sagana--maraming pananim na halaman at hindi lamang pananim na halaman kundi nagbubunga at pinakikinabangan.

Kayo yaong mga bukirin na sa Akin ay inilagak ng Aking mahal na Ama. Kayat walang tigil Ako sa inyong naghahasik ng mga aral o mga binhi ng kabutihan na ninanais Kong magkaroon ng bunga upang kung kayo ay Aking iharap sa Aking mahal na Ama, kayo ay maging lubos na karapat-dapat kasama at kasama at kasama ang inyong mga naging bunga.

Hindi ba nalulungkot ang isang tao na kung tanim nang tanim ng halaman na hindi nagbubulaklak at hindi nagbubunga? At ang mga halaman na hindi nagbubunga o hindi man nagbubulaklak ay mga lubos na pinapatay at ito ay binubunot at mangaitinatapon sa labas at mangaibinibilad sa araw at mangaiginagatong sa apoy. Sapagkat ang ninanais ng ating sarili sa pagtatanim ng halaman ay yaong kapakinabangan. Naghahanap ang ating puso na magkamit, ang ating pagpapagod at ang ating pagpapagal na magiging pakinabang na makabubusog sa ating mga paningin at sa ating mga pandamdam.

Kayo nga yoong mga bukirin na inilagak sa Akin ng mahal na Ama upang Aking mangapagtamnan at Kanya at Akin na mga pakinabangan. Hindi Ko hinahanap ang inyong mga bulaklak kundi ang hinahanap Ko ay ang mga bunga ng inyong mga gawa. Sapagkat ang mabubulaklak ninyong mga labi ay lubos-lubos Ko nang pinanghihinawaan. Sapagkat ang mabubulaklak ninyong labi ay hanggang sa dulo lamang ng inyong mga labi at walang anumang bagay na magiging pakinabang.

At kung nagkakaroon man ng kapakinabangan ay paghihinakit lamang ng puso ng isa at isa. At ang pagdadamdaman at ang mga pagtataniman at ang mga pagbibigay kasiphayuan para sa puso at kalooban ng inyong kapwa.

At hindi ang mga bulaklak na ito ang Aking hinahanap. At hindi rin ang mga bulaklak na ito ang Aking hinahangad. Sapagkat Ako'y nagtatanim ng halamang nagbubunga at ninanais Ko ay magkaroon ng hindi mapaklang bunga kundi matamis sapagkat ang mapaklang bunga ay hindi pinakikinabangan.

Ako man ay nagtatanim din ng mga halamang bulaklakin at bagama't hindi nagkakaroon ng bunga kundi magandang bulaklak lamang sa paningin, makabusog ng Aking paningin at makabusog ng Aking isipan, makapawi ng mga suliraning kayo rin ang nagdudulot at kayo rin ang nagbibigay. Datapwat pinapatay Ko at hindi Ko binubuhay ang mga bulaklak na may nakakasalukasok na amoy at hindi nakapagbibigay ng kasiyahan sa Aking pananaw. At sinasabi Ko sa inyo, ang sinuman sa inyo na nakapagtanim ng halaman na nagbunga o nagbulaklak ng may nakakasalukasok na amoy ay hindi ito ninanais bagkus ito ay binubunot na nagmamadali pa sa pagpatay sapagkat baka mayroon pang makaamoy at baka mayroon pang makakuha at baka mayroon pang mga batang walang malay na makapaglaro. At ito ay makahawa pa ng pagkasalukasok sa sinuman.

At kung ang bawat isa sa inyo ay nagtatanim ng mga halaman na ang nagiging bunga ay nakasalukasok o ang nagiging bulaklak ay may nakakasalukasok na amoy, ito ba ay inyong binubuhay ng hindi iginagatong sa kalan kundi isinasama sa bunton ng mga siga. At ang mga bagay na sinasabi Ko sa inyong ito ay hindi mapapasubalian ng sinuman. At ganito Ko kayo ninanais na maakay.

Uulitin Ko sa inyong mga pandinig ang Aking mga inihayag. Kayo ang mga bukiring sa Akin na inilagak ng Aking mahal na Ama upang mapagtamnan ng mga halaman na nagbibigay ng bungang kapaki-pakinabang. At panghihinayangan Ko ang bawat isa sa inyo na mangawala. Panghihinayangan Ko ang bawat isa sa inyo na maagaw ng masama. Panghihinayangan Ko ang bawat isa sa inyo na manlupaypay at makabitaw sa isang lubos at taos na pananampalataya. Kayat ito ang mga bagay na sa inyo ay Akin na ipinagtatagubilin. Mangagpakatibay kayo at mangagpakalubos sa pananampalataya ngayon at magpakailanman.


[Back to Home Page] [Back to Topics in Pilipino] [Back to List of Sermons] [Back to Top]

Aristeo Canlas Fernando 2001
All rights reserved.