PAHAYAG NG ESPIRITU SANTO - 002

 

SERMON - JUNE 6, 1983©

Sinalin ni Aristeo Canlas Fernando

 

Pili at hirang Kong mga alagad, pintakasi nitong Aking puso at aliw nitong Aking dibdib, sa mga pagkakataong ito ng ating muli at muling pagniniig, ay sinasabi Ko sa inyo na pakalinisin ang inyong mga puso at pakatibayin ang inyong mga kalooban. Ganap na pawiin sa inyong mga sarili ang pagkakasala. Pagsisihan nang lubos ang lahat ng mga bagay na ating ginawang lihis sa kautusan ng ating Panginoong Jesucristo na nagpakahirap at nagtiis ng di-mamagkanong sakit alang-alang sa ikatutubos ng ating kaluluwa sa mga pagkakasala.

Pili at hirang Kong mga alagad, pintakasi nitong aking puso at aliw nintong Aking dibdib, sa pagkakataong ito ay nasa ng Aking sariling makapagbahagi sa inyo ng mga bagay na kung inyo mang natatalastas na ay ibig Kong muli at muling ipagunita sa inyo upang ang inyong mga pusong naniniig na lubha sa mga pagkakasala at lubusang pagkalimot sa Diyos ay muling magising at muling magnasa ng pakikiisa sa Panginoong Diyos na sa inyo ay nagbigay-buhay.

Dumating ang mga oras at sandali ng pagtubos ni Jesus sa sangkatauhan upang ang lahat ng mga bagay ay maganap ukol sa Kanyang pagkakatawang-tao ay mangyaring Siya ay ipinagbuntis o ipagdalang-tao ng isang uliran na babae. At yaon ay si Maria.

Dumating ang oras at sandali ng pagluluwal ni Maria ng sanggol na nasa kanyang sinapupunan. Dumating ang pautos o ang utos o tagubilin sa lugaring yaon na dapat ang lahat ng mga mamamayan doon ay magtungo sa bahay-pamahalaan upang ipakilala ang sarilii at gayon din ang kanilang mga supling. Upang malaman nila ang bilang ng kanilang mamamayan, tuloy ilakin sa buwis na karampatan ng isang mamamayan.

Ano pa at utos-hari palibhasa'y hindi mabali, kaya anuman ang paghihirap na nadarama ni Mara ng mga pagkakataong yaon, lumakad siya upang tupdin ang bilin ng hari. Lubhang malayo ang lugar na iyon sa tahanang kanyang tinitirhan. Kaya't sila ay naglakad upang makarating sa bahay-pamahalaan.

Datapwat hindi naglipas ang gabi sa kanilang paglalakad palibhasa'y lubhang walang sunumang tumanggap. Kaya't buong tiyaga nila at pagpapakasakit na tinahak ang mga landas at mga lansangan sa lugar na yaon. Hanggang sa kanilang sinapit ang Israel. Hanggang kanilang sinapit ang Bethlehem. Bayan ng Bethlehem at nayon ng Belen. At doon ay buong pagtitiis niyang isinilang ang kanyang anak na tinawagang Jesus.

Ano pa at dumating ang mga pagkakataong yaon. Napabantog sa pamamagitan ng pagsikat ng tala ang pagkapanganak sa sasakop sa tanan na si Jesus. At sa gayon nga ay nangyaring makarating sa kaalaman ng tatlong hari--si Gaspar, si Melchor at si Baltazar.

Sa pamamagitan ng pagsubaybay ng tala ay kanilang natunton ang landas na dapat nilang tahakin upang kanilang mapatunguhan ang lugar na pinanganakan kay Jesus at kanila itong nasumpungan. Ninasa nilang makita si Jesus. Sapagkat si Maria ay nahintakutan sa kanilang pagdating, kaya't kanyang kaagyat na kinuyom sa kanyang mga bisig ang kanyang anak na si Jesus. At doon ay ginawang dalit ng tatlong hari. Yaong inyong dinadalit-dalit ngayon na tinawagan ninyong 'Aba Ko, Santa Mariang Reyna'. O tinatawag ng Katagalugang 'Aba Ko, Santa Mariang Hari'.

At dito ay nabagbag ang puso, pusong maawain ni Maria. Kaya't napawing bigla ang kanyang pangamba at kanyang idinulog sa tatlong hari ang kanyang anak. Nagsipag-uri ang mga haring ito sapagkat palibhasa'y mayroong babala sa kanila ang Haring Herodes. Kaya't sila ay nilapitan ng anghel at pinagsabihang sa pag-uwi sa sariling bayan at tahanan ay huwag nang magdaraan sa palasyo ng Haring si Herodes. Nilapitan sila sa panaginip ng isang anghel at sa kanila ay ipinahayag na huwag na ngang dumaan sa palasyo ng Haring Herodes.

Ano pa at sumapit ang pag-uwi ng tatlong hari na di na nga nagdaan sa palasyo ng Haring Herodes. Kung kaya't naghimagsik ang kanyang puso. Pinamahayan ng poot ang walang-bait niyang puso. Kaya't sa kanyang pagkamuhi ay iniutos niya sa kanyang mga kawal na libutin ang buong Bethlehem at Belen upang ang lahat ng sanggol na magmumula sa bagong-silang hanggang sapitin ang tatlong taon ay pugutan ng ulo.

Ano pa at isinakatuparan ito ng kanyang mga kawal, palibhasa'y utos-hari. At 15,000 ulo ng mga sanggol ang napahiwalay sa kani-kanilang katawan, bukod pa yaong mga pinaslang na ama, ina o kapatid man ng mga sanggol na walang malay na ito.

Ito ay Akin sa inyong ipinahayag sa mga pagkakataong ito sapagkat ibig Kong ipagunita sa inyo kung gaanong kabigat ang naganap na pagtubos ni Jesus sa sangkatauhan. Bakit pinatay ang mga walang-malay na sanggol na ito? Dahil sa pagsilang ni Jesus upang Siya ay makasama at huwag makaligtas sa mga papatayin. Upang hindi makaligtas si Jesus na sasakop sa tanan sa mga papatayin. Dugo, dugo ng mga walang-malay na sanggol, ng mga walang pagkakasalang sanggol ang sa una pa lang ay tubos na sa mga pagkakasala. Dugo ng mapagmahal na ama at ina ng kanyang mga anak ay nangabuwis din.

Ganyan na lamang ang pangamba ni Josep at ni Maria na kung hindi dahil sa babala sa kanila ng anghel, di Siya ay nakaramay din na mahiwalay sa katawan ang ulo ng kanilang anak na si Jesus na siyang sasakop sa tanan.

Ngayon ay muli na namang naganap yaon tagpong yaon. Nang dahil lamang sa nasang ipakilala ang kawalan nila ng nasa sa paglilingkuran ng isang tao. Alalaon baga'y kahalintulad o kawangis ng paglilingkuran ng haring si Herodes. At muli na namang dumanak ang dugo ng mga walang malay na ito. Datapwat ang pagdanak ng dugo ng mga panahong yaon ay walang katulad. Sapagkat tunay na pinatutulo ang dugo sa lupa. Halos ay nagputik ang buong bayan dahil sa dugo ng mga sanggol. At yaon ay hugas sa mga pagkakasala ng tao.

Hanggang sa si Jesus ay lumaki sa pagkakandili ng Kanyang kinikilalang ina at ama sa kalupaan. Hanggang sa Siya ay tuluyang parusahan din ng di-mamagkanong hirap. Pinalo ng 5,455 hampas ng suplina at buong kalupitan Siyang ipinako sa krus hanggang sa mamatay.

Datapwat ganyan pa rin ang Aking pagkahabag sa inyong lahat.  Ninasa ng Aking sarili na paulit-ulit na paulit-ulit na paulit-ulit Kong buhayin sa iba’t ibang mga bansa at sa iba’t ibang mga pangangatawan ang Aking mahal na kapatid na hinugot at kinuha na ugat ng puso ni Maria na nagtiis ng hirap dito sa lupang ibabaw sa ikaliligtas ng tao sa pagkakasala at muling ang ugat ng pusong itong binigyan Ko ng buhay ay paulit-ulit na mabuhay sa piling ng kung sinu-sinong mga tao na walang habas ang bibig ng paghamak at pag-alipusta o pagdusta sa kanyang, sa kanilang pag-aakala ay, hamak na katauhan.

Dito ay Aking nadadama ang pait.  Dito ay Aking nararamdaman ang sakit.  Dito ay nararamdaman Ko ang lubusang pagkasiphayo na kung ang puso lamang ng bawa’t isa sa inyo ay tunay na malapit sa Diyos ay di sanang mangyayaring pakahamak-hamakin, pakadusta-dustain ang inyong mapagtiis na walang hanggan na tagapagligtas.  Ang bala ng masasakit at mahahapding salitang iniuukol sa kanya ay kanyang pinagtitiisan.  Kahima’t itong lubusang ikinaruruhagi ng kanyang puso.

Datapwat ang inyong puso ay matigas.  Palibhasa’y walang talus ang inyong mga pagkatao. Palibhasa’y mangmang ang inyong mga pagkatao sa tunay na kaalaman. Sapagkat wala kayong panahong buksan at basahin ang Aklat ng Buhay na pawang ang laman ay katotohanan.  Palibhasa’y ang inyong puso ay labis lamang inininiig sa mga kayamanang panlupa, kayamanang nauubos, kayamanang nasusunog, kayamanang kinakalawang, kayamanang walang halaga sapagkat ito’y hindi man magsisilbing baon sa inyong walang kasinghabang paglalakbay kung ang inyong buhay sa lupang ibabaw ay lumayo na at nasa nang magbalik sa pinanggalingan.

Inililigaw ninyo ang inyong kaluluwa.  Pilit ninyong pinadadaan sa bunton ng salapi na kanyang ikinatitinik, tuloy ikinalulugmok.  Wala kayong minamahal kundi ang inyong kayamanan.  Nililimot ninyo ang inyong bahagi ng pagka-Diyos na marunong umibig.  Ang kinakanya ninyo ay ang kaligayahang panlupa, ang maidudulot ng salapi.  At ibig Kong ito ay ipagunita sa inyo.  Ang maidudulot ng salapi na kaligayahan ang makapagbubulid sa inyo sa apoy ng impiyerno.  Sapagkat ng dahil sa kaligayahan ay lubos ninyong nalilimot ang Diyos na sa inyo ay nagbigay-buhay, na sa inyo ay naghahangad ng kapayapaan, na sa inyo ay naghahangad na makapagdulot ng kaligtasan.  Tinatalikuran ninyo ang mga pangungusap na ito dahil sa pag-ibig ninyo sa pansandaling-ligayang natatapos.

Datapwat tunay na tunay na sinasabi Ko sa inyo, na sa pagtalikod ninyo sa buong katotohanang ito ay siyang ikalulugmok ng inyong kaluluwa sa pagkakasala.  Bakit hindi tayo lubusang mag-isip-isip.  Bagaman sinasabi Ko sa inyo ang bahagi ng pag-iisip-isip, hindi pa rin ninyo mabigyan ito ng kaukulang oras sapagkat ayaw humiwalay sa inyong gunita kung saan ninyo patutunguhan ang bunton ng salaping ibig ninyong tisurin, upang tumaas at sa inyong bulsa ay mapasilid.

Kahabag-habag ang isang taong walang pagsusumikap sa bagay na ikaliligtas ng kanyang kaluluwa.  Ibahin natin ang daan.  Bigyan natin ng puwang ang ating kaluluwa.

Tunay na sinasabi Ko sa inyo, na kung ikaw ay nabubusog sa masasarap na pagkain at kung ang iyong anak na nasa sa tahanan ay hindi nakakatikim ng mga pagkaing yaon, nabubusog nga kaya ang inyong sarili?  Nagkakaroon nga kaya kayo ng kasiyahan sa inyong sarili?  At kung kayo ay nasisiyahan, hindi ba kayo nahahabag kung makita ninyo ang inyong anak na lulugo-lugo?

At gayon din ang inyong katawan na binibigyan ninyo ng walang kapantay na kaligayahan at kasiglahan ng mga karangyaan at mga nasa o hilig o kita ng laman.  Datapwat ang inyong kaluluwa ay nalulungkot.  Ang inyong kaluluwa ay napaparoon.  Ang inyong kaluluwa ay naghihinagpis.  Sapagkat di ninyo binibigyan ng oras para sa kanyang ikabubusog, para sa kanyang ikagagaling, para sa kanyang ikalilinis.

Palibhasa’y lubhang ang tao ay sakim sa kaligayahan.  Pinakalilinis-linis ang panlabas na kaanyuan datapwat pinakarurumi-rumi ang puso.  Saan naroroon ang inyong bahagi ng pagka-Diyos?  Ano at inyo itong sinasayang?  Ano at hindi ninyo ito binibigyan ng kahit kaunti man lamang pagpapahalaga?  Bakit?  Bakit nagkakaganyan ang inyong mga isipan? Bakit labis ninyong nililimot ang Diyos?  Bakit kusa ninyong ipinapahamak ang inyong sarili?

Bagaman nalalaman Ko na ang mga pangungusap na ito ay tumitiim lamang sa inyong puso habang kayo ay naririto.  Habang ang inyong mata sa kasalukuyan ay walang namamasid na salapi na sa Aking pagtalikod ng pansumandali sa inyo ay lubha na namang, o ganap na namang, makakatkat sa inyong kalooban ito at ang hahalili na naman ay ang kapangyarihan ng kayamanan dito sa lupa.

Hindi Ko pa ring pagsawaang ulit-ulitin sa inyong ipahayag sapagkat ganyan Ko kayo iniibig.  Ipinagpalit Ko ang langit.  Ipinagpalit Ko ang lahat ng katuwaan at kasiyahan.  Ipinagpalit Ko ang buo Kong pagka-Diyos dahil sa laki ng Aking pag-ibig sa inyo.  Datapwat tulad rin ng isang tao na kung mayroon kang inibig at minahal ng walang hanggan at pagkatapos, pagtalikod mo ay ipinagpalit ka sa ibang kasintahan, walang kasimpait, walang kasinghapdi, walang kasingsakit ang inyong nararamdaman.  At gayon din ang Aking puso.  Sa kabila ng malaki Kong pag-ibig sa inyo, sa kabila ng Aking malaking pagtatangi sa inyo ay ipinagpapalit ninyo Ako sa ibang kasintahan.

Alalaon baga ay ano nga ang dapat Kong itawag sa inyong mga kataksilan.  Datapwat ang salitang kataksilang ito ay di Ko ibig na ipukol o ipadam sa inyo sapagkat ibig Kong ang inyong puso ay hindi masaktan bagkus ay magbalik-loob sa Diyos.

Datapwat ang katagang ito ay inyong maririnig at sa inyo ay Aking manga-ipupukol at sa inyo ay bibigyan Ko ng kalapat o kasukat na kaparusahan kung dumating na ang sandali ng Aking nalalapit ng paniningil.  Ang mga katagang ito ay isinasaad Ko sa inyo hindi upang mahintakutan ang inyong puso sapagkat hindi katakut-takot ang pagdating ng sandaling yaon sa isang banal o sa isang malapit ang puso sa Diyos.  Ang pagdating ng mga sandaling yaon ay siyang pinakamaligayang sandaling sasapitin ng inyong puso.  Datapwat kung ang inyong puso ay mananatili sa karumihan, yaon na nga yaong pinakakasindak-sindak na sandali at kasindakang hindi na magwawakas magpakailanman.

Ang mga bagay na ito sana ay mangyaring matiim sa inyong mga puso.  Mangyaring ito ay inyong pakatandaan.  Sapagkat hindi na magtatagal ang pagsapit ng oras na yaon.  Mangyaring ang inyong puso ay lubusang makapagsisi sa mga pagkakasala buhat ngayon hanggang sa huling sandali ng inyong mga buhay.  At kung magkagayon nga ay magiging karapat-dapat kayong mangagsisama sa Akin at sa Aking napakamahal na kapatid, gayon din kay Maria sa sandali ng Aking paghuhukom, sa sandali ng Aking pagpili sa magiging karapat-dapat, sa sandali ng pagpapatong ng kamay ni Reneliniyinde na Aking kapatid sa inyong mga balikat sa takdang oras ng paghuhukom. Ang patungan ng kanyang bisig o ng kanyang mga palad ay magkakamit ng walang hanggang kaligtasan at biyayang kaluwalhatiang walang hanggan doon sa kaharian ng mga langit ng Akin at kanya ring Ama na sa inyo ay tunay na nagbigay ng buhay.  Ang mga bagay na ito ay huwag lilimutin ng inyong puso.  Ang mga bagay na ito ay ipakatanim sa inyong mga kalooban at pakahintayin ang sandaling yaon.  Pakahanapin ang kanyang palad upang kayo ay magkamit ng kaligtasang walang hanggan.

At dahil dito ay sinasabi Ko sa inyong simulan na natin ang pagtahak sa landas ng buhay patungo doon sa tunay na buhay sa kaluwalhatian ng mga langit.  Pakalinisin ang ating puso.  Pakabanalin ang ating kaluluwa.  Pakatiimin sa puso ang pagbabagong-buhay.


[Back to Home Page] [Back to Topics in Pilipino] [Back to List of Sermons] [Back to Top]

© Aristeo Canlas Fernando 2003
All rights reserved.