PAHAYAG NG ESPIRITU SANTO - 001

PANAMBITAN©

Sinalin ni Aristeo Canlas Fernando

Pinag-ukulan Ko ng pag-ibig. Nasaan ang Aking pinagsakitan ng 33 taon at walang hanggan na ... (putol ang tape). Nasaan ang Aking pinagpagalan? Bakit hindi Ako makakita ngayon o makasumpong na bigyan Ako ng katarungan. Sa kaalaman ninyong lahat ay nilikha Ko si Reneliniyindi ng paulit-ulit sa balat ng lupa kahit patay na'y nabubuhay pang muli sa sinapupunan ng bago at bago niyang nagiging ina. Upang mahayag sa buong daigdig itong Aking pag-ibig na hindi napakinggan o hindi narinig ng inyong mga ninuno. Sa kawalan ng panahon, sa kawalan ng pag-uukol sa Akin ng pansin na Ako ay hanapin kahit saang sulok ng daigdig. Ngayon, kayo ay hindi malayo ang paghahanapan. Naririrto lamang kayo sa kapaligiran ng Aking tunay na kinakatawan. Tunay na hindi Ko lang sa inyo ngayon maipamalas ang lahat Kong paghihirap. Sapagkat tunay na Ako ay nanghihiram lamang ng katawan. Sapagkat ipinahayag Ko sa Banal na Habilin na Ako ay muling magbabalik. Datapwat hindi pa man dumarating ang kapanahunang yaon ay inisip Ko na ang magbalik sa pamamagitan ng ibang pamamaraan. Sapagkat ibig Kong kayo'y Aking makaniig. Sapagkat ito'y dala ng Aking malabis na pananabik na kayo'y makapiling. Sapagkat ito'y dala ng Aking pagnanasang marinig ninyo ang tinig Kong ito. Sapagkat sa laki ng Aking pagnanansang mapakinggan ninyo ang Aking mga bahagi, ang aking mga pahayag at ang hinaing ng puso Ko na hindi ninyo mapakinggan sa inyong mga sarili. Sa laki ng aking pag-ibig at pagmamahal, dinala Ko hanggang sa libingan, ipinakita Ko sa inyo na Ako ay inilibing. Ipinakita Ko sa inyo na Ako ay nabuhay na magmuli sapagkat ibig Kong ang pag-ibig na ito ay hindi magkaroon ng wakas. Ipinakita Ko sa inyo ang aking pagtitiis nang Ako ay parusahan sa pamamagitan ng pagtanggap ng maraming hampas ng suplina, sa pamamagitan ng pagtitiis Kong pasanin ang napakabigat na krus sa lansangan ng kapait-paitang lupa. Sapagkat ibig Kong ipamalas sa inyo ang taos Kong pagmamahal. Sapagkat ibig Kong ipamalas sa inyo na kayo para sa Akin ay kayo at hindi ang mga lupang alabok na Aking kinapal. Sapagkat ibig Kong ipamalas sa inyo ang kahalagahan ng isang tao. Ang kahalagahan ng pag-ibig sa kapwa pag-ibig ng pag-ibig ng Diyos at pag-ibig ng tao.

Nakikapwa Ako sa inyo. Nakimukha. Nakibahagi. Nakigawa. Upang Ako sa inyo ay lubos na mapalapit. Napalapit Ako saglit datapwat Ako'y inyo ring nilayuan. Bakit higit ninyong pinag-uukulan ng pansin yaong mga nilikha ng tao? Bakit lubos ninyong niluluhaan ang panangis o ang taghoy ng inyong kapwa-tao kaysa sa Aking taghoy at pagluha ng dahil sa inyo? Ang Aking pagluha, luha na mapait datapwat pilit Kong minamatamis sapagkat ibig Kong ang Aking mga luha ang ihugas sa inyo. Ibig Kong kayo ay maging taimtim. Ibig Kong ang mga sala sa inyong kaluluwa ay Aking mahugasan ng patak ng Aking dugo, tubig at luha.

Lumuluha Ako. Hindi luha sa Aking kamatayan. Hindi luha sa Aking kabiguan. Hindi luha ng Aking pagtitiis kung hindi ang luha ng pagmamahal at panghihinayang sa inyong paglayo sa Akin.

Mga anak, Aking mga mahal, pansinin ninyo ang Aking luhang ito na sa inyo ay Aking nasang ihugas. Pakalinisin ninyo ang inyong mga kaluluwa upang sa gayon kayo at Ako ay laging magkaniig buhat dito sa lupa hanggang doon sa kaluwalhatian ng mga langit.

O ating limutin ang sala. O ating talikuran ang mga labis-labis na karangyaan na nakapagdudulot ng kasalanan.

O Aking mga anak, ang Aking pag-ibig ay hindi Ko inihahandog sa Aking mga angheles. Ang aking pag-ibig ay hindi Ko inihahandog sa Aking mga arkangheles. Ang aking pag-ibig ay hindi Ko inihahandog sa kaluwalhatian ng langit. Ang Aking pag-ibig ay inihahandog Ko sa inyo ng walang ... (naputol ang tape).

Iniibig Ko ang inyong mga katauhan. Iniibig Ko ang inyong mga kaluluwa katulad ng Aking pag-ibig sa lahat ng buong bahagi ng inyong katawan. Kaya ang Aking hiling para sa inyo'y huwag ninyo Akong limutin. Huwag ninyo Akong lubos na pabayaan. Huwag ninyo Akong lubos na pagdalahin ng walang kahulilip na kasakit-sakitan. Huwag ninyo Akong bayaan sa kalungkutan. Bigyan ninyo Ako ng kaunting kaligayahan. Bigyan ninyo Ako ng kaligayahan na Aking hinihintay na madama sa inyong mga piling. Bigyan ninyo Ako ng kaginhawahan ng puso. Ibahagi ninyo Ako sa inyong matatamis na pag-ibig. Ibahagi ninyo Ako sa matatamis ninyong pagmamamhalan sapagkat lubhang Ako ay nauuhaw. Nauuhaw Ako. Nauuhaw. At ang Aking kinauuhawan ay hindi ang malamig na tubig. Hindi ang masarap na katas ng ubas ang ninanasa Kong inumin kung hindi ang tamis ng inyong pag-ibig at pagmamahal para sa Akin.

O Aking mga ganap na iniibig na mga tao, nasaan kayo ngayon? Sa Akin ay hindi pa lubhang sapat ang inyong pakikinig ngayon. Sapagkat ibig Kong ang buong daigdig ay makabahagi ng Aking panambitan. Ibig Kong ang buong daigdig ay makarinig ng Aking pahayag at taghoy sa mga oras na ito at sa lahat ng oras. Ibig Kong hindi kayo lamang ang magtamo ng Aking pag-ibig kung hindi ang lahat ng mga tao na pinag-ukulan Ko ng Aking pag-ibig at buhay. Ibig Kong hindi kayo lang ang mahugasan ng Aking mga luhang ito kung hindi kayong lahat na Aking mga kinapal. Sapagkat ibig Kong kayong lahat ay Aking makapiling sa kaluwalhatian ng langit. Datapwat kayo na nangagsisiparito na ngayon ay nakikinig ay Akin ding pinag-aalinlanganan sapagkat tunay ang inyong pagkakaniig sa lupa. Hanggang kailan Ko matatanaw ang inyong mga mukha na para sa Akin ay kaaya-aya Kong tingnan. Hanggang kailan? Hanggan kailan? Hanggang kailan?

Ibig Kong sa inyo ngayon ay ipahayag ang lahat ng ito sapagkat ibig Kong kayo ay makapamahagi sa inyong kapwa. Sapagkat ibig Kong lahat ng tao sa buong daigdig ay makapiling Ko at makaniig. Sapagkat ibig Kong makadama ng kaligayahan.

Buhat sa taon ng Aking pagkamatay ay mabilis na lumipas ang 1,974 na taon. 1,974 na taon ang Aking pagdurusa. Bagong pagdurusa. Sapagkat sa halip na ang tao ay mangagsipaghanap sa Akin at mangagsilapit ay higit pa Akong nilimot at higit pa Akong tinalikdan.

Datapwat saang sulok ng daigdig Ko kayo kaya hindi mamamasdan? Saang sulok kaya ng daigdig kayo paroroon na hindi Ko makikita at mararamdaman ang paglimot ninyo sa Akin? Ang pagpababa, ang pagpapabaya at ang pagpapawalan ng pag-ibig. Nanlamig na lubha ang sangkatauhan sa Akin. Binabanggit ang Aking pangalan datapwat sa mga labi lamang at wala sa puso at gawa.

O labis na minamahal Ko at iniibig na mga tao, hanggang kailan ninyo ipadadama sa Akin ang walang kahulilip na paghihirap Kong ito? Ano't kayo'y iilan dito sa lahat o sa buong daigdig na mga tao? Samantalang kayong lahat ay pinag-uukulan Ko nitong Aking pagluha. Kayong lahat ay pinag-ukulan Ko ng Aking buhay. Pinagbuwisan Ko ng buhay Ko sa pagiging katawang-tao sa balat ng lupa.

Bakit? Ang isang taong Aking kinakasangkapan din upang marinig ninyo ang pahayag Kong ito ay labis ding dinudusta na Ako ang nasa likuran. Labis ding hinahamak datapwat hindi talos ng marami na Ako ang nasa likuran. Ninais Ko at binayaan Kong dumumi ang kanyang pagkatao upang luminis lamang ang sangkatauhan. Pinatay Ko ang puri at dangal. Binayaan Kong mamatay ang puri at dangal datapwat ninanais Ko na manatiling tao upang sa lahat ng oras ay tao na inyong mapapakinggan ang tinig Kong ito at mapapagpahayagan ng Aking puso at pagdaramdam.

Ibig Kong maipahayag sa inyo ang Aking pag-ibig. Ibig Ko ring maipahayag sa inyo ang Aking pagdaramdam upang sa dako pa roon ng inyong buhay ay inyong masalat ang inyong labis-labis na pagkukulang.

Hindi Ko dinaramdam ngayon ang inyong pagkukulang na labis sapagkat kayo ay naririto sa Aking harap. Hindi Ko dinaramdam ngayong labis ang inyong pagpapabaya sa Akin sapagkat kayo ngayon ay nangarito na. Datapwat nasaan ang inyong kapwa-tao? Nasaan ang inyong mga kapatid sa lupang ibabaw? Nasaan ang ninanais Ko na magkasama-samang mga tao? Nasaan ang Aking gustong pagbuklud-buklurin at wala ngayon dito?

Ninanais Ko na sa inyong mga buhay, sa inyong mga puso ay manatili ang panambitan Kong ito at pagpapahayag na ito. Itanim ninyo sa inyong mga gunam-gunam. Itanim ninyo at panatilihin sa inyong puso ang sakbibi ng kalungkutan Kong hinaing. Ibig Kong ito ay manatili sa inyo ngayon at magpakailanman. Gawin ninyo na maligayang sandali ang pagniniig nating ito sapagkat narinig ninyo ang Aking panambitan sa inyo at pananawagan.

Magsipagbalik-loob kayo, mga anak. Magsipagbalik-loob kayo. Buhatin ninyo ang inyong mga paa at inyong pagbalikin sa Aking harapan. Itaas ninyo ang inyong mga kamay at inyong ipangakong igawa na makabubuti sa sangkatauhan. Ang inyo lamang Akong matulungan sa pagbabalik-loob ng inyong kapwa-tao at sampu ng inyong sarili ay ganap na ninyo Akong napaligaya at ganap na ninyo Akong nabuhay sa Aking pagkamatay.

Tunay na ito ang sa inyo ay ibig Kong ipahayag na kahilingan. Natutuwa ang Aking puso, bagaman ngayon Ako ay lumuluha. Sapagkat narinig ng maraming tao ang Aking panambitan. Narinig ng mga tao ang Aking kalungkutan. Narinig ninyo ang Aking hinahanap at tanging nasasabuhay. Ipakita ninyo sa Akin ang inyong pag-ibig sa kapwa-tao at Ako ay naroroon at kabahagi sa inyong pag-ibig. Ito ang sa inyo ay ibig Kong ipahayag ng paulit-ulit upang ngayon at magpakailanman ay hindi na makalimot ang inyong mga puso at pag-aalaala.


[Back to Home Page] [Back to Topics in Pilipino] [Back to List of Sermons] [Back to Top]

© Aristeo Canlas Fernando 2001
All rights reserved.